Provincial News

Ilang eskwelahan sa Lungsod hindi pa handa sa 2nd Quarter ng pasukan – DepEd

By Angelene Low

January 04, 2021

Hindi lahat ng eskwelahan sa lungsod ay handa na sa pamamahagi ng mga modules sa pagsisimula ng ikalawang kwarter ng pasukan sa Puerto Princesa. Ito ang inamin ni Dr. Cyril Serador, Chief ng Curriculum Implementation Division ng Department of Education dito sa Puerto Princesa. Ayon sa kanya, iba’t ibang kadahilanan ang nagbunsod nito.

“…May mga factors na hindi po natin hawak gaya po yung sa printing. Kung minsan kasi hindi agad napri-print dahil ang ink hindi dumating. So may mga factors na dapat natin i-consider…” pahayag nito.

Kaugnay nito hinihikayat niya ang mga guro na pansamantalang bigyan ang kanilang mga estudyante ng ibang aktibidad habang hinihintay ang mga ipapamahaging module.

“However, kung sa ibang eskewelahan na hindi pa nila kayanin, then just inform the learner to do something or to continue yung mga nagawa nila nakaraan na hindi nila natapos o may mga dapat pang gawin. Yun lang, just to have something na gagawin sa araw na ito hanggang bukas…” dagdag na pahayag nito.

Samantala nakatakda ang ikalawang kwarter ng pasukan simula Enero 4 hanggang Pebrero 27 base sa School Calendar and Activities for School Year 2020-2021 ng Department of Education.