Inaasahan na sa unang quarter ng 2021 posibleng matuloy ang plebisito kaugnay sa Republic Act 11259 o pagtatatag ng tatlong probinsya sa Palawan. Dahil dito, nagpahayag ng kanilang suporta ang ilang mga opisyal sa lalawigan.
Base sa inilabas ng Provincial Information Office sa kanilang social media account kabilang sa nagpahayag ng suporta ay Liga ng mga Barangay sa bayan ng Taytay, El Nido at Linapacan.
Ayon kay Norbert Lim, Presidente ng Liga ng mga Barangay-Taytay, malaking bagay sakaling maipatupad na ang batas partikularsa lebel ng serbisyong matatanggap ng mga lugar na madalas ay hindi nabibigyang pansin.
“Kasi mabibigyan lahat ng serbisyo na hindi madalas napupuntahan ng probinsya, tulad ng Taytay na maraming island barangays,” ani Lim.
Ayon naman kay Aracel A. Bacolod, President, Liga ng mga Barangay-El Nido, makatutulong ang pagkakatatag ng tatlong probinsiya upang mapabilis ang mga transaksiyon dahil sa posibilidad ng pagkakatatag ng kapitolyo sa kalapit na munisipyo.
“Mahirap po talaga ang transaksiyon namin from El Nido to Puerto Princesa City, kasi isipin mo kapag pumupunta kami galing El Nido, five to six hours ang biyahe namin kung may sarili kang sasakyan, eh papaano kung wala kang sariling sasakyan diba matagal, masyadong atrasado ‘yong pagpunta mo ng Puerto samantalang kung magkakaroon ng tatlong Palawan, mas mapapabilis na ang transportasyon. ‘Yon ang sinasabi ng mahal nating Gobernador at Cong. Alvarez na isa sa malalagyan ng kapitolyo ang Taytay, so malapit na para sa amin” pahayag ni Bacolod.
Hinikayat naman ni Robin Arcenas, President, Liga ng mga Barangay-Linapacan, ang mga mamamayan sa lalawigan na suportahan din ang pagsusulong ng pagtatatag ng tatlong probinsya dahil malaking tulong aniya ito sa pag-asenso ng mga barangay.
“Sa mga kababayan ko po sa Linapacan at sa buong Palawan na medyo nagdadalawang-isip pa po kayo, tulungan po natin ito dahil ito na po ang pagkakataon na magkaroon po ng progreso ang ating mga barangay” ani Arcenas.