Nagtapos na ang dalawang linggong imbestigasyon ni Narra Municipal Administrator Dionyseus Santos sa kontrobersiyal na libo-libong face masks na ayon sakanya ay kasalukuyan pa ring nakalagak sa opisina ng lokal na Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Palawan Daily kay Santos nitong Linggo, sinabi nito na noong Lunes, ika-13 ng Abril ay nagtapos ang kanyang imbestigasyon na matatandaang nagmula sa memorandum to investigate na ibinigay sakanya ni Narra Mayor Gerandy Danao.
Ayon pa din kay Santos, siya ay nakakalap ng sabstansiyal at konkretong ebidensiya laban sa dating MDRRMO Head na si Raymund dela Rosa at sa bise-mayor ng bayan na si Vice Mayor Crispin Lumba.
“13 pa na-release. Ang findings ko ay liable si Mr. Raymund dela Rosa to be reprimanded for command responsibility, conduct unbecoming, saka may isa pa na nalimutan ko pero nakalagay doon sa report ko. Tapos ‘yung kay Vice ay administrative, conduct at prejudicial to the best interest of the service,” ani ni Santos.
Nang tanungin ng Palawan Daily si Santos kung ano ang magiging susunod na hakbang ng administrasyon partikular ng kampo ni Mayor Danao ukol sa naging resulta ng nasabing imbestigasyon, sinabi nito na sa huli, ang lokal na mayor pa din ang magdedesisyon kung ito ba ay kanilang gagawan ng legal na aksiyon.
“Ang akin ay commendatory, ang desisyon ay na kay Mayor. Ang hinanap ko lang ay ebidensiya. Meron. Merong probable cause, merong substantial evidence to charge,” ani ni Santos.
Sa isang mensaheng ipinadala naman ni Lumba sa Palawan Daily noong Linggo, sinabi nito na siya ay hindi pa umano makakapag-bigay ng komentaryo hanggang hindi pa niya nakikita o nababasa mismo ang resulta ng natapos na imbestigasyon.
“Comment ako kapag nakita o nabasa ng result. For now, trabaho muna tayo,” ani ni Lumba.
Samantala, matatandaang noong nakaraang linggo ay nagbaba ang SB ng Narra ng isang resolusyon na nagsasabing sila ay nagkasundo upang tutolan at huwag bigyan ng concurrence ang pagkaka-appoint ni Danao kay Santos sa posisyon ng Municipal Administrator.
Sa kopya ng minutes na nakalap ng news team mula sa nagdaang regular na sesyon ng SB, 11 mula sa 12 miyembro ng lokal na mambabatas ang lumagda upang tutolan ang pagkakatalaga ni Santos sa nabanggit na posisyon.
Nang tanungin at kamustahin ng Palawan Daily si Santos ukol dito sa panayam pa din ngayon araw ng Linggo, sinabi nito na siya ay nananatili pa ding Municipal Administrator sa kasalukuyan.
“Municipal Administrator, tapos dineny nila ‘yung concurrence, ganoon. Peri may arrangement na kami ni Mayor kaya lang saka nalang, hindi pa tapos,” ani ni Santos.
Dagdag din niya, siya ay magsisilbi sa administrasyon ni Danao sa kahit anong posisyong maari siyang makatulong. Ayon din kay Santos, handa umano siyang magsilbi sa Mayor kahit walang sahod.
“Naparito ako para magsilbi kay Mayor kahit anong parte. So regardless kahit walang suweldo ay okay lang. Kasi tinawagan ako ni Mayor para humingi ng tulong sakanya so regardless kahit anong posisyon attachable ako,” ani ni Santos.
Samantala, nito ding hapon ng Linggo, nakakalap ang news team ng kopya ng letrang nagmula kay Santos na naka-address para sa mga miyembro ng SB. Sa sulat, hinihiling ni Santo sa mga ito na ma-release umano ang kanyang sahod bilang Municipal Administrator para sa unang kinsena ng buwan ng Abril.
Ayon pa din sa nakapaloob sa sulat, kinausap ni Santos ang lokal na municipal accountant ng pamahalaang bayan upang ma-release ang kanyang sahod subalit dahil sa kadahilanang nauna nang nag-baba ng resolusyon ang SB patungkol sa kanilang tahasang pagtutol sa appointment ni Santos, ang kanyang sahod ay na-hold sa tanggapang ng akawntant.
“Thereater the SB of Narra furnished the Municipal Accountant of this resolution and immediately decided to withhold my salary. I demanded the Municipal Accountant to release my salary thru telephone on April 15, 2020 but she made some conditions that she will send a letter to Municipal Mayor Gerandy Danao guaranteeing that he will pay the salary that I will receive in case the Civil Service afirmed the denial of my appointment as Municipal Administrator,” ani ni Santos sa kanyang sulat.
“You’re concerned actions is against the law and you are already violating my rights to due process…. Failure on your part will force me to assert my lawful right to seek legal remedy by filing a legal action against you,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan ay wala pang ibinibigay na pahayag ang tanggapan ng SB patungkol sa letrang ipinasa ni Santos sa kanilang opisina.