Inilunsad na ngayong araw, Nobyembre 10, ang inagurasyon ng Bataraza District Hospital kasabay ng pormal na opening ng Palarong Panlalawigan 2019 sa munisipyo.
Kaakibat ng misyon ng Palawan Provincial Government at Department of Health (DOH) na palawakin at paigtingin ang serbisyong medikal sa mga kababayan sa Hilagang Sur ng Palawan, itinayo ang Bataraza District Hospital sa parte ng lupain sa Bataraza Goverment Complex, Barangay Marangas.
Kahalintulad ng mga naunang itinayong district hospital sa bayan ng Narra, Rizal, Aborlan, Roxas, at Coron, ito ay may 39-bed capacity kabilang na ang mga wards pati na rin ang mga semi-private at private rooms.
Ang inagurasyon ay pinangunahan ni Mayor Abraham Ibba at dinaluhan din nina Palawan Governor Jose Chavez Alvarez, at ni MIMAROPA Regional Head Dr. Ronert Mercene.
Ayon kay Ibba, sa kanyang welcome message, ang ospital ay magtatayong pangunahing sagot sa matagal ng problema ng kanyang mga kababayan gayundin ang mga karatig Palaweñong nakatira sa karatig islang munisipyo ng Balabac at Brooke’s Point, bagaman ito ay nagtataglay din ng mga sariling pribado at publiko nitong mga ospital.
“Lubos ang aming pasasalamat sa national government through DOH at sa provincial government. Kauna-unahang medicare hospital na itinayo sa ating bayan. Kung ano ang meron na facilities sa Brooke’s Point, mayroon na rin tayo dito, hindi na natin kailangan mag-referral pa kasi andito na ang sagot,” ani Ibba.
Ayon naman kay Palawan Governor Alvarez sa kanyang ibinigay na mensahe, ang district medicare hospital ay malaking tulong sa mga kababayang naninirahan sa mga liblib at malalayong lugar sa kanilang munisipyo na nangangailangan ng regular na check-up o maintenance na gamot.
Binanggit rin ng gobernador sa kanyang mensahe ang mariing pag-suporta ng provincial government upang gawing siyudad ang Bataraza sa nalalapit na paghahati ng Palawan sa tatlong division.
“Itong Bataraza ang pinakaunang city na susunod sa Puerto Princesa. Kaya ‘yung hosital, i-upgrade din natin,” ani Alvarez.
Samantala, ang ospital ay magbibigay din ng espesyal na mga serbisyong medikal kagaya ng x-ray, 24/7 laboratory, at 24/7 pharmacy, 24/7 emergency, at 24/7 social service.
Ang proyektong pagpapatayo ng mga district hospital ay kaloob sa patuloy na misyon ng DOH na ilapit ang medikasyon at serbisyong medikal sa sambayanan o paigtingin ang kampanya ng Universal Health Care, lalo na’t sa mga malalayo at liblib na lugar sa loob ng bawat munisipyo at probinsya ng bansa, ayon kay DOH Secretary Duque, sa kanyang mensaheng ipinaabot kay Dr. Robert Mercene ng MIMAROPA regional office.
“Ang lalawigan ng Palawan ay isang ehemplo sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa kaliit-liitang miyembro ng mamamayan. Natutuwa kami na ang probinsya ng Palawan ay kapit-kamay na nakikipagtulungan sa DOH upang maisatupad ang mga proyektong ito,” ani Mercene.
Opisyal ding ibinigay ni Mercene ang opisyal na lisensya ng ospital upang agad na masimulan ang pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan at medikal.
Kasunod nito ang ribbon-cutting na pinangunahan naman ni gobernador Alvarez at Mayor Ibba kasama ang mga board member ng Palawan, ang pag-turn over ng symbolic key ng ospital na sumisimbolo ng pormal na pagkakaloob ng ospital sa bayan ng Bataraza, gayundin ang pagbasbas ng bagong ospital sa pangunguna ni Rev. Fr. Allan Borais.
Sa loob lamang ng dalawang taon, ang Bataraza District Hospital ay ang ika-pito nang ospital na binuksan sa probinsya sa tulong ng DOH, Provincial Government of Palawan at nang kaakibat na munisipyo.
Maliban rito, may walo pang natitirang ospital na inaasahang mabubuksan sa probinsiya ng Palawan bago magtapos ang taong 2020.