Feature

‘Kindness Station’ at ‘Kindness Store,’ inilunsad ng Apostoliko Bikaryato ng Taytay

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 19, 2020

Sinimulan na ngayong buwan ng Apostoliko Bikaryato ng Taytay, ang ikalawang bikaryato sa Palawan at sakop ang lahat ng parokya sa hilagang Palawan, ang paglulunsad ng “Kindness Station” at “Kindness Store” upang makapagbigay ng tulong sa mga apektadong pamayanan ngayong panahon ng krisis dulot ng COVID-19.

Matatandaang kamakailan ay unang pinasinayaan ang nasabing mga proyekto sa St. Joseph the Worker Cathedral Parish sa Munisipyo ng Taytay.

Photo || Niño Cetenta

Sa kahalagahan ng mga proyekto, hiling ng Bikaryato ang suporta ng mga mamamayan sa dalawang proyektong mula sa National Secretariat for Social Action (NASSA)/Caritas Philippines, ang humanitarian, development at advocacy-arm ng Simbahang Katolika ng Pilipinas.

Gaya ng mababasang motto sa “Kindness Station” na “Magbahagi…Tumulong…May Pagpapala” at “Pagtulong ay Walang Presyo sa Mapagmahal na Puso” sa “Kindness Store,” nabuo ang naturang mga proyekto bilang COVID-19 Crisis Response ng Simbahan.

Ayon kay Rev. Fr. Reynante “Rey” Aguanta, AVT SAC Director at Pro-Vicar ng Apostolic Vicariate of Taytay (AVT), layunin ng pagtatayo ng “Kindness Station” na mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap, lalo na ang ang mga PWDs at mga buntis habang ang “Kindness Store” naman ay upang matulungan ang mga mahihirap na magsasaka at mangingsida na maibenta ang kanilang mga produkto at mabili naman ito ng mga mamamayan sa resonableng halaga na kung saan, ang maliit na tubo ay gagamitin din sa pagpapatuloy ng proyekto.

“Na-formulate po itong dalawang initiative na ito bilang tugon sa COVID-19 na concerns po natin…. Hangarin po ng mga project na ito na magtanim ng buto ng kagandahang-loob, the seed of kindness sa bawat isa sa atin. ‘Yon ‘yong pagpapakita ng malasakit sa kapwa, sa sitwasyon natin na kinakaharap ngayon na krisis ngayon na pandemic,” ani Fr. Aguanta sa pamamagitan ng phone interview.

“Yong mga tinitinda natin, sa tulong ng AVT-SAC, naghahanap din tayo ng partner ng kindness. Ibig sabihin, namimili rin tayo ng store na binabawasan din nila ‘yong presyo dahil sila rin mismo ay nagtatanim ng kagandahang-loob,” aniya.

Sa kasalukuyan ay dahan-dahan pa lamang umano silang nagsi-set-up ng ganoong klaseng mga hakbangin para sa mga mahihirap na parokya.

Aniya, ang NASSA ang namili ng mga ka-partner sa buong bansa gaya ng AVT at ang pinili naman ng AVT na paglagakan ng programa ay ang Cathedral Parish ng Taytay na pinasinayaan noong Hunyo 14 at ang St. Isidore the Farmer Parish sa Brgy. Poblacion, Roxas.

“Pero hindi rin ito nangangahulugan na mapapako lang kami sa dalawa. So, ‘yong NASSA ay nagbigay din sa amin na kami na ang magdesisyon kung kailangan na dagdagan. ‘Yong Kindness naman ay walang limitasyon, kaya maliban doon sa dalawang nabanggit natin, nag-put up tayo ng ‘Kindness Station’ sa El Nido pero…tinawag ito ni Monsignor Joe Delfin na ‘Love Station,” wika pa ng Pro-Vicar ng AVT.

Aniya, ang dalawa pang dinagdag ay ang “Resurrection Parish” sa Brgy.Tumarbong at “San Lorenzo Ruiz Parish” sa Brgy. Caramay, mga pawang parokya sa Munisipyo ng Roxas.

“Nakikita nga po natin na kailangan din ito ng mga vulnerable members natin…. Tinitingnan natin na balang-araw or way forward, this will become the new normal ng Apostoliko Bikaryato ng Taytay sa pagtugon sa mga krisis na ito,” ani Rev. Fr. Aguanta.

“Sa mga mananampalataya na dito sa Apostoliko Bikaryato ng Taytay, ‘yong aking prayer na sa sitwasyon natin ngayon…ay ipadama natin ang kindness, lalong-lalo na sa mga parokya ng Roxas, Taytay, at El Nido. Sa mga nakarinig, nakaaalam sa mga programang ito, ang appeal ko ay suportahan [nawa] ang iniyatibong ito,” ayon pa sa Pro-Vicar ng Apostoliko Bikaryato ng Taytay.

Panalangin na lamang ngayon ng Simbahan na sa lalong madaling panahon, harinawa, ay mawala na nang tuluyan ang COVID-19.

“Kindness Store” – Photo || Niño Cetenta