Provincial News

Konduktor at drayber, timbog sa buy-bust op sa Taytay

By Diana Ross Medrina Cetenta

September 15, 2020

Arestado ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation ang isang bus helper at drayber sa Bayan ng Taytay.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Luciano Eleso Perez, 45, may asawa, Roro bus helper/conductor, residente ng Brgy. Abo-abo, Sofronio EspaƱola, Palawan, at Rogelio Katon Alforque, 40, may asawa, Roro bus driver na residente naman ng Brgy. 3, Roxas, Palawan.

Sa spot report ng Palawan Police Provincial Office (PPO), nakasaad na ikinasa ng joint personnel ng Taytay MPS, bilang lead unit, at PIU-Palawan PPO ang isang buy-bust operation dakong 3:30 pm kahapon, Setyembre 14, sa terminal ng Bayan ng Taytay sa Sitio Montevista, Brgy. Poblacion, Taytay na nagresulta sa pagkakahuli sa nabanggit na mga indibidwal.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu (binili) at dalawang P1,000 na buy-bust money.

Bunsod nito ay nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa kasalukuyan naman ay nasa kustodiya na ng Taytay MPS ang mga naaresteng suspek kabilang na ang mga nakumpiskang item at nakatakdang dalhin sa Provincial Crime Laboratory Office ng Lalawigan ng Palawan upang isailalim sa eksaminasyon at para sa proper disposition.