Conceptual design of Coron-Culion Inter-island Bridge.

Provincial News

Kopya ng Work Suspension Order para sa Coron-Culion Inter-island Bridges, inilabas na

By Diana Ross Medrina Cetenta

April 12, 2021

Gaya ng tiniyak ng pinuno ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), epektibo noong nakaraang Huwebes ay suspendido na ang konstruksyon ng proyektong Coron-Culion Inter-island Bridges na matatandaang nakatanggap ng negatibong mga reaksyon buhat sa ilang mga mamamayan.

Sa ibinahaging kopya ng Work Suspension Order na pirmado ni DPWH-MIMAROPA OIC Regional Director Yolando Tangco ng Save Palawan Movement (SPM) at PSCD Staff, nakasaad na inilabas ang kautusan noong Abril 7 at naging epektibo kinabukasan, Abril 8.

Naka-address ang liham sa Authorized Managing Officer ng J.H. Pahara Construction Corp. na si Noel Pahara na nag-aatas sa contractor na itigil muna ang  pagsasawa ng Phase 1 ng naturang proyekto na may Contract ID No. 20EO0069 hanggang sa ang lahat ng mga required clearances mula sa PCSD, DENR at EMB at iba pang kaukulang ahensiya ng pamahalaan ay makuha o maaprubahan.

Nakasaad pa sa liham ang kautusan ni RD Tangco na isumite ng contractor ang “course of action” na nagpapakita ng mga mitigating measure para sa pagguho ng lupa at pagbaha ng mga bukas ng bahagi ng kalsada na posibleng makaapekto sa baybayin ng lugar.

Sa hiwalay na panayam naman ng Project manager ng nasabing proyekto na si Engr. Julius Cruz ng DPWH-MIMAROPA, tiniyak din niyang wala nang nagtatrabaho sa site dahil iyon ang ibinabang kautusan ng kanilang ahensiya.

“Na-serve na namin ‘yong cease and desist order for the contractor to suspend work until such time na ma-complete nila mga requirements,” aniya.

Si Cruz ang naatasang tumingin sa Phase 1 ng proyekto na pinondohan ng P200 milyon na binubuo ng road opening at maliit na tulay sa Brgy. Bintuan, Coron, Palawan.

“Actually, kasama ako sa Meeting [last week]. So, pagkatapos ng Zoom meeting [namin with different line agencies], tumawag sa akin kaagad si RD namin na gagawin ‘yong suspension order. So, tinawagan ko ‘yong Staff ko sa Maynila, kasi may opisina rin kami roon; naka-skeletal pa nga sila, wala pang work ‘yong [tauhan] ko, pinapasok ko siya para magawa kaagad ng suspension order,” ani Engr. Cruz.

Ukol naman sa pagsisimula ng proyekto kahit wala pang mga kinakailangang permit ay hiniling ni Cruz ang pang-unawa ng mga mamamayan sapagkat wala siya sa posisyon na tumalakay ukol dito.

“Ang concern lang namin is ‘yong Phase 1 ng trabaho. So, ‘yong Phase 1, hindi pa kami dadating sa kabila (Culion). Ang immediate lang naman ay Sa Brgy. Bintuan. So,wala pa talaga kaming dadaanang [mga] IPs. So, matagal pa ‘yong malaking tulay na sinasabi,” dagdag pa niya.

Ang sigurado lamang umano niya ay hindi magsisimulang muli ang Phase 1 hanggat hindi nakukuha ng kontraktor ang lahat ng kinakailangang requirements na itinakda ng batas.