INIATAS na ni Palawan Gov. Jose Alvarez ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao sa anyo ng bigas. Ito ang ipinabatid ni Appropriations Chairman, Board Member Leoncio “Onsoy” Ola sa kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan sa kanilang regular na sesyon noong ika-5 ng Nobyembre.
Ani Ola, sa kanilang pagpupulong ng Komite kahapon alinsunod sa kautusan ng Punong Ehekutibo, ipinabatid umano sa kanya ni Provincial Administrator Joshua Bolusa na may direktiba na si Gob. JCA sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na ihanda ang 300 sako ng bigas upang maipadala sa mga nasalanta ng lindol.
Aniya, mas kailangan ng mga mamamayan doon ang bigas kaysa sa salapi at mayroon na rin umanong nakahandang Navy Boat na magdadala nito.
Ganito umano ang nakagawian ng Liga ng mga Lalawigan, na magtulungan kapag mayroong kasapi na nasalanta ng anumang trahedya.
Nabuksan ang talakayan dahil sa inihaing panukalang resolusyon ni Board Member Sharon Abiog-Onda, na tumayong Majority Floor Leader ng mga oras na iyon, na humihiling kay Gob. Jose Alvarez na magbigay ng agarang tulong pinansiyal sa mga biktima ng kamakailangang paglindol sa Mindanao.
Ayon sa awtor, kung matatandaan, agad na nagpadala ng ilang miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang Provincial Government ng Palawan nang tamaan ng pagyanig ang probinsiya ng Batanes kaya sa ngayon ay nais din umano ng bokal na magbigay din ng tulong at suporta sa mga biktima ng kahalintulad na trahedya sa Mindanao area.
Sa inamiyendahang resolusyon, silang lahat ng mga miyembro ng Junta Probinsyal ang co-author ng inihaing resolusyon na inaprubahan na rin sa una at pinal na pagbasa.
Una namang nagkaroon ng ilang minutong diskusyon sa pagitan nina Board Members Ryan Maminta, Cesareo Benedito Jr. at Ola sa kung bigas ba ang ibibigay sa mga nasalanta ng lindol o sundin ang titulo ng resolusyon na pinansiyal ang ibigay sa mga biktima.
Sa huli, upang hindi na humaba pa ang talakayan ay ipinaliwanag ni BM Onda na ang orihinal na laman ng kanyang resolusyon ay magbigay ng kahit anumang tulong at hindi partikular na salapi. Iyon umano ay typographic error lamang na hindi rin niya batid kung paano iyong nailagay sa kanyang resolusyon.
Komento naman ni Board Member Bon Ponce de Leon, nang matamaan ng “Yolanda” ang Norte ng Palawan, ang unang tumulong ay si Board Member Tayron Uy ng Compostela Valley na ngayon ay Gobernador na ng nasabing lugar. Ngayong sila naman umano ang napinsala ng kalamidad, ang tulong na ibibigay ay pagbabalik-tanaw lamang ng tulong nila noon sa lalawigan ng Palawan. At ang importante umano ay may maibahagi at di na mahalaga kung salapi man ito o bigas.