Provincial News

Langis mula sa lumubog na fuel tanker, nakarating na sa Calapan, Mindoro

By Hanna Camella Talabucon

March 17, 2023

 

Umabot na sa baybayin ng Calapan, Mindoro ang oil spill o langis na nagmula sa lumubog na oil fuel tanker na MT Princess Empress noong Pebrero 28.

 

Kinumpirma ito ni Calapan Mayor Malou Morillo gabi ng Huwebes, Marso 16.

 

“Naitala ang unang maninipis na bakas ng oil spill sa baybayin ng Barangay Navotas, Calapan City kahapon, Marso 16, pasado 9PM ng gabi,” ani Morillo.

 

Agad namang siyang nagpa-alala sa kanyang mga nasasakupan na mag-ingat at manatiling alerto lalo na sa mga nakatira sa baybaying dagat.

 

Sa ngayon ay patuloy na naglalatag ng mga improvised spill booms ang lokal na pamahalaan, kawani ng CDRRMO ng Calapan, Coast Guards, Fisheries Management Office, PNP katulong ang mga opisyal at residente sa Barangay Navotas.

 

Kasalukuyan ring tinatanggal at kinokolekta na ng mga coast guards ang mga langis na nasa buhanginan ng dalampasigan ng nasabing barangay.

 

Ayon kay Morillo, nasa tinatayang 500 metro na ang nailagay na spill booms sa mga baybayin kung saan may namataang bakas ng langis.