Ang lokal na pamahalaan ng Bataraza ang nakakuha ng pinakamataas na puntos sa Memorandum Circular 2019-121 ng Department of Interior and Local Government (DILG) o ang paglilinis ng mga kalsada mula sa mga iligal na estruktura at iba pang nakahambalang sa daan.
Batay sa resulta ng pagtatasa na ginawa ng ‘validation team’ sa 23 munisipyo sa Palawan, ang Bataraza ang nagkamit ng 100 porsiyentong iskor.
Ayon kay Bendict Palatino, officer in charge outcome manager ng DILG – Palawan, nakumpleto ng Bataraza ang anim na pamantayan base sa sumusunod: pag-aakda ng ordinansa o pagpapababa ng kautusan mula sa punong ehekutibo (15 puntos); imbentaryo ng mga sagabal sa kalsada (5 puntos); plano at programa sa pag-aalis ng mga nakaharang sa kalsada (10 puntos); rehabilitasyon sa mga nalinis nang kalsada (15 puntos); paglikha ng mekanismo ng mga puna o karaingan, katulad halimbawa ng social media o hotline (5 puntos); at ang paglilinis ng kalsada na mayroong 50 puntos.
Kaugnay nito, walong LGU ang nakakuha ng ‘medium compliance’ o may iskor na 81-90 porsiyento, lima ang ‘high compliance’ kabilang ang Bataraza o may iskor na 91-100 porsiyento, walo rin ang may mababang pagsunod sa kautusan na nakakuha naman ng 70-80 porsiyento.
Samantala, ang bayan ng Aborlan at Dumaran ay nakakuha lamang ng iskor na 65 porsieynto kung kaya bigo ang mga ito na makapasa sa pagtatasang ginawa.
Base sa kautusan, maaaring ma-isyuhan ng ‘show cause order’ ang mga hindi tumalimang LGU.
“Pinapuntahan na natin ang mga munisipalidad na ‘di pumasa, maaaring mapadalhan ang mga ito ng ‘show cause order’,” ani Palatino.
Sinabi ni Palatino na magpapatuloy pa rin ang pagtatasang gagawin ng kanilang grupo at ang operasyon ng paglilinis ng kalsada ay ipatutupad ka kada kuwarter.
“Ang road clearing kasi magiging tuloy-tuloy na ang pagpapatupad nito, magkakaroon na rin ng tuloy-tuloy na pagmo-monitor para matiyak na hindi na manunumbalik yong mga nakaharang sa kalsada na tinanggal nitong nagdaang operasyon,” dagdag pa niya. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)