Provincial News

LGU Brooke’s Point hindi na papayagan ang home quarantine

By Gilbert Basio

February 06, 2021

Mahigpit nang ipinatutupad ng Lokal na Pamahalaan ng Brooke’s Point, Palawan ang 14-day quarantine sa kanilang pasilidad at hindi na pahihintulutan ang home quarantine.

“Naghigpit tayo dito sa Brooke’s Point. Dati po pinapayagan natin mag-home quarantine yung isang tao na galing Manila o APOR or ROF or returning resident. Pinapayagan natin mag-quarantine after ng 7 days na mandataory quarantine sa ating mga awtorisadong quarantine facilities. Pero dahil sa nangyaring mga nagdaang linggo, ay inaalis na po natin yung pag-ho-home quarantine after ng mandatory 7 days. Talagang ngayon [ay] 14 days na po ang quarantine sa ating mga designated quarantine facility.” pahayag ni Brooke’s Point Mayor Mary Jean Feliciano.

Dagdag pa ni Mayor Feliciano, layunin nito na maingatan ang kalusugan ng mga mamamayan dahil may ilang naka-home quarantine ang hindi sumusunod sa ipinapatupad na health and safety protocols kaya minabuti nila na sa facility bunuin ang quarantine.

“Dahil pati pag-ho-home quarantine pala ay hindi nasusunod. Lumalabas pala [ang mga subjected na mag-home quarantine]. Kaya sabi namin [ay] ‘hindi na’ dahil nakasalalay dito yung kalusugan, kaligtasan [at] ekonomiya ng bayan. Kaya sabi ko ‘maghigpit na tayo muli’. Mas mahirap ito sa amin kasi kumbaga 14 days naming silang babantayan [dahil] 14 days sila doon sa facility pero para sa kapayapaan at kaligtasan ng lahat yun po gagawin namin,”

Kaugnay nito ipinabatid ng alkalde sa mga mamamayan na mula sa ibang probinsya at bansa na nais umuwi na simula pa noong nakaraang linggo ay ipinapatupad na ito sa Brooke’s Point.

“Kaya doon po sa mga gustong umuwi yung mga kamag anak ninyo ay pakisabihan na po na 14 days na po muli at hindi na 7 days ang ating mandatory quarantine. Simula last week dahil dito nga sa nangyaring COVID scare dito sa Brooke’s Point.”