Isinailalim sa critical zone simula kagabi ang buong Brgy. Salvacion sa Bayan ng Busuanga bunsod ng kauna-unahang positibong kaso ng COVID-19 at malawakang close contact.
Sa post ng Busuanga Public Information, nakasaad na ang nasabing hakbangin ay batay sa EO No. 66, ang Zoning Containment Strategy.
Batay pa sa information arm ng lokal na pamahalaan, simula rin kagabi ay sinisimulan na ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing COVID-19 positive.
Sa loob ng 48 oras, tagubilin ng LGU na mahigpit na ipinagbabawal sa buong Brgy. Salvacion na lumabas ng bahay ang lahat maliban sa mga frontliners.
Ipagbigay-alam lamang umano ang lahat ng pangangailangan sa mga opisyales ng barangay at mga frontliners. Narito ang mga teleponong maaring tawagan:
0927-841-3203 – Kgd. Ricky Mayo
0997-635-5422- Kgd. Toyong Bacuel
0975-855-7926- SK Sam Araza
Ipinaalaala rin ng mga kinauukulan na sarado ang lahat ng mga establisyimento, mga tindahan at palengke hangga’t isinasagawa ang contact tracing.
Ipinagbabawal din na lumabas at pumasok sa bawat barangay, lalo na papuntang Salvacion at wala ring byahe papuntang Coron at papasok ng Busuanga simula ngayong araw sa loob ng 48 oras. Ang nasabing mga munisipyo ay isang isla sa labas ng mainland Palawan sa bahaging norte ng lalawigan.
Kalakip din dito ang pabatid na suspendido ang pay-out ng SAP simula ngayong araw hanggang sa may bago ng paabiso ang lokal na pamahalaan ng Busuanga.
Discussion about this post