Provincial News

Local IATF ng Coron, Busuanga, nagpulong para sa mga stranded LSI

By Lexter Hangad

October 19, 2020

Nagpulong ang mga kinatawan ng munisipyo ng Busuanga at Coron IATF kamakailan kaugnay sa  mga stranded na LSI na mga kapwa residente sa bayan ng Coron.

Base sa ibinahaging impormasyon ng Busuanga Public Information Office na kanilang ipinaskil sa kanilang Facebook page noong Okt. 16, dahil sa ulat ng Bayan ng Coron na may 11 kompirmadong kaso ng COVID-19 at 20 kasalukuyang inoobserbahan pa sa kanilang isolation Facilities at nakatakdang i-release sa October 24 ay nagdesisyon ang Municipal Inter-Agency Task Force ng Busuanga na antayin na lamang ang resulta ng mga naka-quarantine sa isolation facilities ng  Coron.

Magkagayunpaman, pwede pa ring umuwi sa Busuanga ang mga LSI na stranded sa Coron, isasailalim lamang sila sa quarantine sa barangay quarantine facilities. Ngunit pagkatapos ng Oct. 24 at maayos ang resulta ng Coron ay pauuwiin naman umano agad sa kani-kanilang mga tahanan ang mga naka-quarantine.

Nakasaad pa sa paabiso ng LGU Busuanga na sa mga nagtatrabaho na taga-Busuanga sa Coron  ay hihintayin muna nilang matapos ang quarantine period ng confirmed and suspected cases ng Bayan ng Coron. Sa Okt. 25 ay agad silang papayagang umuwi at magbalikan kapag naging maayos din ang naging resulta ng mga naka-quarantine sa karatig–munisipyo.

Samantala, mananatili namang ipatutupad ang mga dating polisiyang pinaiiral sa buong munisipyo ng Busuanga.