Umabot sa dalawampu’t limang (25) mga rebelde ang sumuko ngayong taon ang nabigyan ng tulong pinansyal ng Pamahalaang Panlalawigan mula Enero hanggang Agosto 2022, sa pamamagitan ng Local Social Integration Program (LSIP) for Former Rebels (FRs) ng Provincial Social Welfare & Development Office (PSWDO).
Matatandaan una nang napagkalooban ng tulong pinansyal ang 10 FRs noong Hulyo 19, 2022 habang ang 15 FRs naman ay nito lamang nakalipas na Agosto 19. Ang mga ito ay kinabibilangan ng 24 na mga lalaki at isang babae na mula sa mga bayan ng San Vicente, Roxas, Taytay, Dumaran, Brooke’s Point at Bataraza.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail D. Ablaña, pinagkalooban ang bawat isang rebel returnee ng halagang ₱25,000.00 bilang livelihood assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Aniya, sa pamamagitan ng programang ito na maigting na isinusulong ni Gob. V. Dennis M. Socrates ay matutulungan ang mga nagbalik loob sa pamahalaan na magabayan sa pagbabagong buhay. Inaasahang magiging daan din umano ito upang matamo ang tunay na kapayapaan tungo sa kaunlaran sa lalawigan ng Palawan.
“Ang Local Social Integration for FRs ay ang programa ng ating Pamahalaang Panlalawigan para magbigay daan sa mga nagbalik loob sa pamahalaan na sila ay yakaping muli at gabayan sa pagbabagong buhay,” ani Ablaña.
Ang pagbibigay ng tulong pinansiyal para sa mga rebeldeng sumuko ay pinagtibay sa pamamagitan ng isang ordinansa o ang Provincial Ordinance No. 1540 series of 2015 o “Establishing the Implementing Guidelines on the Provision of Assistance to Rebel Returnees” na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga rebel returnees sa lalawigan ng Palawan na magbalik-loob sa pamahalaan, mamuhay ng payapa at maging produktibong mamamayan.
Samantala, maliban aniya sa ibinibigay na tulong pinansiyal ng Pamahalaang Panlalawigan ay tinutulungan din ang mga ito ng PSWDO na maipasok sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng Department of Interior & Local Government (DILG) upang mabigyan ang mga ito ng karagdagang tulong pinansyal gayundin sa Department of Social Welfare & Development (DSWD) para sa karagdagang tulong at iba pang interbensyon.
Patuloy din ang ginagawang monitoring ng PSWDO sa mga naturang rebel returnees upang masigurong napapalago ng mga ito ang kani-kanilang mga livelihood projects.
Sa ngayon ay may kabuuan ng 210 benepisyaryo na ang napagkalooban ng tig ₱25,000.00 na tulong pinansyal ng Pamahalaang Panlalawigan mula nang isakatuparan ang LSIP noong taong 2013.
Discussion about this post