Kinumpirma ni Brooke’s Point Mayor Mary Jean Feliciano na isang lalaking Locally Stranded Individual o LSI ang nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 sa kanilang bayan.
Ayon sa alkalde, ang 23 anyos na LSI ay nakauwi nitong July 5 lulan ng eroplano ng Air Asia mula sa Maynila.
Negatibo anya sa Rapid Diagnostic Test ang pasyente subalit nakitaan ito ng sintomas ng COVID-19 tulad ng ubo at pananakit ng lalamunan kaya isinailalim agad sa swab testing kung saan positibo ang naging resulta.
“Negatibo s’ya sa RDT kaya nakauwi ng Brooke’s Point pero meron s’yang ubo at sore throat kaya pina-swab s’ya. Anim silang dumating at isasailalim narin sila sa swab testing para malaman natin. Anyway, naka-isolate naman ‘yong positive at naka-quarantine din naman ‘yong mga kasabay nito,” ani Mayor Feliciano.
Samantala, tiniyak din ni Mayor Feliciano na walang dapat ikabahala ang kanyang mga kababayan dahil sa ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat upang hindi kumalat ang nasabing virus sa komunidad.
“Wala po tayong dapat ikabahala dahil naka-quarantine naman sila at wala naman tayong local transmission. Sana ay negative ‘yong iba at gumaling narin itong patient natin para makabalik na tayo sa pagiging COVID-free,” dagdag ng alkalde.
Sa kasalukuyan, 47 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa kung saan 32 dito ang active cases, 14 ang gumaling na at isa ang namatay.