Isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan ni 1st District Board Member David Francis P. Ponce De Leon ang ordinansa na magbibigay parusa sa mga magpapahintulot sa mga menor de edad na magmaneho ng kahit anong uri ng sasakyan sa kalsada.
Base sa draft ng ordinansa, ang sinuman na nasa legal na edad (18 anyos pataas) na mapapatunayan na nag-udyok o pinahintulutan ang isang menor de edad na magmaneho ng kahit anong uri ng sasakyan ay maaaring makulong ng limang buwan o pagmultahin ng P 5,000.00 o parehong makulong at magmulta depende sa desisyon ng korte.
Habang ang bata na mahuhuling nagmamaneho ay dadaan sa mandatory guidance counseling sa kanilang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Layunin umano nito na maprotektahan ang mga kabataan sa kapahamakan lalo na at hindi sapat ang kanilang kaalaman sa mga batas na pinaiiral sa kalsada.
Samantala ang panukalang ito ay nai-refer na sa Committee on Rules at sa Committee on Transportation para sa joint deliberation.