Municipal Plebiscite Board of Canvassers (MPBOC)

Provincial News

Mahigit 12k ‘No!’ votes, naitala sa Bayan ng Roxas

By Diana Ross Medrina Cetenta

March 15, 2021

Lamang ng 2,877 ang botong “NO” kontra sa “YES” sa Bayan ng Roxas  matapos ang canvassing kagabi.

Dakong 8:22PM, Marso 14, 2021, nang inanunsiyo ng Municipal Plebiscite Board of Canvassers (MPBOC) sa bayan ng Roxas na may botong 12,459 ang “No” o “Hindi” habang 9,582 naman ang “Yes” o “Oo” kaugnay sa katanungang payag ba ang mga Palaweño na hatiin ang Palawan sa tatlong probinsiya.

Matapos na ideklara ni MPBOC Chairman,  Roxas Election Officer Cielito Marquez na wagi ang boto na umaayaw sa paghahati ng lalawigan ay nagpalakpakan at naghiyawan ang grupo mula sa Apostoliko Bikaryato ng Taytay (Apostolic Vicariate of Taytay) na kontra sa paghahati.

Inaasahan namang ngayong Lunes ng umaga ay ihahatid na ng Election Officer ang Plebiscite Certificate of Canvass of Votes at ang Statement of Votes by Precinct sa Provincial Plebiscite Board of Canvassers sa Legislative Building ng Provincial Capitol sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Lubos namang nagpasalamat si Rev. Fr. Lino Matas sa mga mamamayang nanindigan na hindi mahati ang Palawan.

“Maraming salamat sa mga nanindigan, lalong-lalo na ‘yong mga hindi nagpadala sa pera, mga bigas, mga sardinas at lahat na ibinigay para lang bumaligtad [sila] sa kanilang paninindigan. Laban ninyo ito at sana tayo ang manalo sa labang ito dahil ito ay hindi lamang para lang sa atin, kundi para sa kinabukasan ng inyong mga anak at kinabukasan ng probinsiya,” ayon kay Rev. Fr. Matas nang kapanayamin ng Palawan Daily News.

“God’s speaks and the Lord hears the cry of the people. Sobrang saya talaga na pinakinggan tayo ng Panginoon na ipinaglaban natin na hindi hatiin ang Palawan!” dagdag pa ni Fr. Matas.

Bagamat hindi pa tapos ang canvassing sa lebel ng probinsiya, kumpiyansa ito na sa huli ay magwawagi ang “No.”

“‘Yon ang ipinagdarasal natin palagi na sana pakinggan tayo ng Panginoon na hindi niya hayaang hatiin ang Palawan dahil hindi iyon makatutulong, lalong-lalo na sa mga mahihirap at mga katutubo,”

Samantala, ang kabuuang bilang ng aktuwal na bomoto sa Plebisito sa munisipyo ng Roxas noong Marso 13 ay umaabot lamang sa 22,195 mula sa  36,715 na rehistradong botante o katumbas ng 60.45% na voter turnout. Ayon sa ilang PlebCom members, maaaring nakaapekto sa voter turnout ang walang humpay na buhos ng ulan noong araw ng botohan.