Provincial News

Mahigit 3,000 manggagawa sa Palawan, nakatanggap na ng DOLE CAMP assistance

By Chris Barrientos

May 02, 2020

Inanunsyo ngayong Sabado ng hapon, May 2 ng DOLE – Palawan na nabayaran na nila ang mahigit sa tatlong libong mga manggagawa mula sa probinsya na nakapasok at nakahabol para maka-avail ng COVID-19 Adjustment Measures Program o Camp.

Ito ay mula batch 1 hanggang 6 na nai-proseso ng nasabing tanggapan bago pa man nahinto ang kanilang pagtanggap ng mga aplikasyon.

Sa inilabas na listahan ng DOLE – Palawan sa kanilang Facebook page, umabot sa 3,462 na mga maggagawa mula sa lalawigan ang huling bilang ng mga makakatanggap o nakatanggap na ng P5,000 na financial assistance mula sa palamahalaan sa ilalim ng CAMP.

Ayon kay Field Officer Luis Evangelista, ang bilang na ito ng mga manggagawa mula sa Palawan ay ang kabuoang bilang na mula sa sinasabi nito noong batch 2 hanggang batch 6 na napasama sa pinondohan ng P75 million pesos para sa buong rehiyon.

“Ito na ang na-cover na na-releasan sa CAMP natin at ‘yan na lahat ‘yun. Ito ang batch 2 hanggang batch 6 na nai-proseso naming dito bago nahinto ang pagtanggap ng aplikasyon,” ani Evangelista sa panayawm ng Palawan Daily.

Sa Palawan, 3,884 lang na mga manggagawa ang nakapasok sa CAMP kaya pinayuhan ni Evangelista ang mga hindi nakasama sa inilabas nilang listahan na agad mag-apply sa “Small Business Wage Subsidy (SBWS) Program” na tulong din sa mga minimum wage earners.

“Wala na talaga at hanggang ‘yan nalang at wala na kaming ilalabas na listahan, last na po ‘yan unless magbigay ng panibagong pondo ang DBM pero pag hindi nagbigay, ‘yan nalang talaga,” paliwanag ng opisyal.

“Apply nalang agad sila sa SBWS dahil para din naman sa lahat ‘yun at baka sakaling mapasama na dito dahil sa amin [DOLE], wala na talaga e, last na tagala ‘yan. Subukan na nila at mag-apply na sila para mai-proseso na. Dito sa Palawan may nag message na nga sa akin na nakatanggap na sila mula sa SBWS program,” pagtatapos ni Evangelista.