Provincial News

Mayor ng Rizal, hiniling ang kooperasyon ng mamamayan sa pagresolba sa pagpatay kay Engr. Baluyut

By Gilbert Basio

November 24, 2020

Hiniling ni Mayor Otol Odi ng Rizal, Palawan ang kooperasyon ng mga mamamayan para agad na maresolba ang nangyaring pagpatay kay Engr. Gregorio Baluyut sa kaniyang mismong tahanan sa Purok Mahogany, Barangay Punta Baja, Rizal, Palawan noong Nobyembre 20.

Ayon sa tagapagsalita ng alkalde na si MacArthur Mateo Asutilla, ikinalungkot ni Mayor Odi ang nangyari kay Engr. Baluyut kasabay ng panawagan sa kanyang nasasakupan na makiisa sa ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para agad na makilala ang suspek at mapanagot sa batas.

“Labis pong ikinalulungkot ito ng alkalde at nangako itong alkalde na tututukan ang imbestigasyon na ito at nananawagan sya sa lahat ng mga kababayan dito sa bayan ng Rizal na tumulong para sa ginagawang imbestigasyon,” ani Asutilla.

Ibinahagi rin ni Asutilla ang naging kontribusyon ni Engr. Baluyut sa bayan ng Rizal sa ilalim ng pamumuno ng alkalde.

“Si Engr. Baluyut ay isa sa tumutulong kay Mayor Otol Odis sa mga technical na mga kaparaanan sa kanyang pamumuno, nagkaroon lamang itong special assignment itong mga nakaraang buwan upang hawakan itong water project na proyekto ng local na pamahalaan ng bayan ng Rizal,”pahayag ni Asutilla.

Dagdag pa ni Asutilla, nagkaroon na ng pag-uusap si Mayor Otol Odi sa mga otoridad sa bayan ng Rizal kung paano mapapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanyang nasasakupan.

“Ang ating alkalde wala pong gustong gawin kundi ay kaayusan ng bayan ng Rizal, wala pong puwang ang ganitong klaseng mga pangyayari ng pagpatay… may mga pag-uusap na ang ating alkalde sa mga awtoridad patungkol sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bayan ng Rizal. Nakakalungkot lamang dahil hindi natin alam kung kailan aatake ang mga masasamang loob kaya hinihingi ni Mayor Odi ang kooperasyon ng mamamayan,” karagdagang pahayag ni Asutilla.