Si Richard Alemanza habang inaayos ang mga binilad niyang seaweeds na tanging naisalba niya mula sa pagkatunaw.

Environment

Mga apektadong seaweed farmers ng Green Island, nananawagang matulungan silang makapagsimula muli

By Diana Ross Medrina Cetenta

December 28, 2020

Patuloy na nananawagan sa mga kinauukulan ang mga seaweed farmer ng Green Island sa Bayan ng Roxas na apektado sa biglaang pagkatunaw ng kanilang mga itinanim na aksyunan ang kanilang kalagayan sa ngayon at matulungan silang mabigyan ng seedlings ng seaweed bilang bagong panimula.

Matatandaang sa pamamagitan ng social media ay ipinaabot ng isang miyembro ng Green Island Fisherfolks Association (GIFA) kamakailan ang kakaibang sakit na dumapo sa kanilang mga tanim na seaweed na natunaw na lamang itong bigla sa wala pang malinaw na kapaliwanagan.

“Ang hinaing po namin is sana po matulungan kami kung paano kami makapagtatanim uli, kung halimbawang mayroong source ng similya ng seaweeds. Sa kasalukuyan, hindi po namin alam kung saan kami kukuha ng seedlings para po sa pagtatanim uli, kung paano kami makaka-recover [muli],” ang hinaing ng presidente ng GIFA na si Jebrel Ompad na 22 taon ng seaweed farmer. Ang nasabing asosasyon ay mayroong 324 na mga miyembrong seaweed farmers.

Ibinahagi ni Ompad ang kinakaharap na mabigat na pagsubok sa kanilang mga manananim ng seaweeds.

Aniya, sa 117 grupo ng seaweeds na kaniyang pananim, ang na-harvest lamang niya ay 700 kilo o katumbas sa 100 kilo kapag natuyo na. [Ang isang grupo ay binubuo ng anim na monoline].

Noong Dec. 26 sana umano ngayong buwan ng Disyembre ay handa na sana para sa replanting ang nasabing mga seaweeds ngunit hindi na umabot pa dahil bago mag-Pasko ay natunaw na ang kanilang mga pananim.

Ani Ompad, kung hindi lamang naganap ito, posibleng ang kitain nila sa kanilang mga pananim na seaweeds ay “triple pa” sa orihinal na puhunan.

Ayon naman kay Richard Alemanza na walong taon ng seaweed farmer, nasa 120 grupo ng seaweeds ang kanilang pananim ngunit sa kasamaang-palad ay 15 grupo lamang nito ang kanilang mga naisalba. Mas bumaba pa ang timbang nito dahil sa naganap na pagkalusaw na aniya’y halos katumbas na lamang sa anim na monolines o isang grupo.

“[Ang mga] ‘yan, latang-lata talaga. ‘Yong natira doon [sa dagat], hindi ko pa kinuha, parang nawalan nga po ako ng ganang kunin dahil wala na ring [halos] laman,” ani Alemanza.

Ang presidente ng Green Island Fisherfolk Association na si Jebrel Ompad habang itinuturo sa Palawan Daily News team ang normal na pagkatuyo ng seaweeds. Ang nasa larawan ay nauna nilang na-harvest noong màayos pa ang kalagayan ng kanilang mga pananim. Photo by Diana Ross Cetenta

MALAKI ANG PAGKALUGI

Sa dami ng kanyang pananim, aniya nasa P30,000 hanggang P40,000 umano ang inaasahan sanang kita mula sa kanyang mga pananim na seaweeds kung hindi lamang natunaw sa karagatan.

“Ngayon, ewan ko kung makabenta ba ako ng P10 diyan. Eh! Ayan na, parang lugaw na,” aniya.

“Sobra, parang hindi ko matanggap talaga. ‘Yong unang tingin ko, parang nawalan ako ng gana, parang gusto ko umiyak. Napaiyak nga ako habang lumalangoy ako kasi ‘yong time na ‘yon, bago ako umaalis dito, nagpa-Puerto [Princesa kasi kaming mag-anak] kasi pinuntahan namin ang tiyahin ng asawa ko. Pero bago kami pumuntang Puerto [Princesa], maganda pa ‘yong seaweeds ko pero noong doon na kami…eh wala pa nga natapos ‘yong dalawang araw, tumawag ‘yong bilas ko na uwi nga raw ako rito kasi ang seaweeds nga gano’n ang nangyari,” ang pagkukwento pa ni Alemanza.

Dahil dito ay nanawagan siya sa mga kinauukulan na matulungan silang makapanimula uli matapos masira ang kanilang mga produkto.

“Sana po, madinig n’yo ang hinaing kong ito ngayon sana po bukas ang kalooban n’yong tumulong sa amin kasi talagang mahirap ang nangyari sa amin,” panawagan ni Alemanza.

Sa muli ay ikinuwento ng procurement head ng GIFA na si Hilda Matila-Sobreviga na sa ngayon ay 28 taon ng seaweed farmer, sa dami na nilang karanasan sa mga sakit sa seaweeds gaya ng nakain ng isda, nabalitan ng isda, ice-ice, o putik,  ay ngayon lamang nila naranasan ang ganitong problema na halos wala nang mapakinabangan pa dahil sa pagkalusaw nito.

“Kapag hindi naagapan ang seaweeds, natutunaw, nagiging jelly, walang pakinabang talaga, naitatapon lang ang seaweeds sa ngayon. Hindi natutuyo kasi ibang klaseng sakit na dumapo ngayon sa seaweeds,” ani Sobreviga na gaya rin sa mga nauna niyang mga pahayag sa panayam ng Palawan Daily News.

Ngayong araw naman ay nakatakdang magpadala ng liham ang asosasyong pinamununuan ni Ompad sa Office of the Provincial Agriculturist at iba pang kaukulang ahensiya ng pamahalaan upang hilinging maeksamin na sa lalong madaling panahon ang karagatan ng Green Island upang kanilang malaman kung bakit nasira ang kanilang mga seaweed at kung kailan uli sila ligtas na makapagtatanim.

“Wala naman o kaming naobserbahan na kakaiba kasi wala naman pong isda na namatay. ‘Yon lang ang seaweeds ang naapektuhan,” dagdag pa ni Ompad.

Ilang araw na rin nang makapagsulat sila sa kaukulang ahensiya ng gobyerno ngunit hindi lamang agad naipadala dahil sa dumaan ang holiday.

“[Umaasa kaming] malaman namin kung ano ‘yong resulta kung bakit nasira ‘yong [aming mga pananim na] seaweeds at kung mayroon mang tulong na maibigay para sa amin kasi ‘yon lang po ang pangunahing ikinabubuhay namin, seaweeds lang po talaga,” aniya.

Aniya, nasa 90-95 porsiyento ng population sa Green Island ay nagtatanim ng seaweed kaya gayon na lamang ang lawak ng mga naapektuhan. Ito rin ang pangunahing ikinabubuhay ng mga seaweed farmers na pinagkukunan nila sa panggastos sa araw araw, sa pag-aaral sa mga anak at sumalba sa kanila noong pandemya kahit bumaba ito sa P41/kilo na bentahan sa isla at nasa P60-P65/kilo naman sa mainland Roxas.

Sa ngayon ay hindi na umano sila makakapag-nursery dahil ang lahat nilang mga pananim ay natunaw na.

Photo by Jebrel Ompad and Hilda Matila-Sobreviga

“Nag-iisip kami na kung sakaling wala kaming makuhang seedling—kasi dati ang ginagawa namin, doon kami sa mainland [Palawan] kumukuha kagaya ng [sa mga bayan ng] Dumaran, [at] Araceli. Ang problema rin po, ang balita din namin tunaw din po [ang mga tanim nila]—mas nauna pa sila roon kaysa sa dito sa amin,” dagdag pa ni Ompad.

Ayon naman sa Municipal Agriculturist ng Roxas na si Edgar Padul, hinihintay na lamang niya ang confirmation ng kanilang mga technician ngunit nai-report na rin aniya ito sa kanyang tanggapan noong Sabado ng gabi at nangakong tututukan ang usapin sa kabila ng naka-on leave siya ngayong buwan.

“Gusto naming iparating sa BFAR [‘yan], pati kay Mayor [Dennis Sabando] kung ano ang gagawin ng BFAR at ni Mayor kasi ang tingin ko, may mga pangyayari na kailangang i-research kasi katulad niyan, bakit biglang nagkaganyan ang seaweeds, hindi gaya ng ice-ice na matagal [bago tuluyang masira]. Ito, [halimbawa] sa hapon na ito, green [pa ang tanim pero], kinabukasan, puti na. So, ‘yon ang gusto kong maintindihan kung paano. So, more on laboratory test siguro o research [talaga ang gagawin para malaman kung]  ano ang nangyari na ‘yan,” ani Padul sa pamamagitan ng phone interview.

“Tinanong ko nga, pakitingnan ang area kung may namatay na mga isda baka may relasyon ito sa mga kemikal kung mayroon man,” aniya at idinagdag na baka bagong strain ito ng sakit dahil bakit biglang nag-disintegrate ang mga seaweed.

Ngunit para tiyak na makasiguro ay hihintayin niya ang opisyal na report ng mga technician ng fisheries upang personal niyang maiabot sa Punong Bayan ng Roxas. Ito aniya ay upang makita rin kung ilang mga  seaweed farmer ang apektado, estimated damage at kung gaano kalaki ang area na napinsala.  Sa inisyal na maipaabot umano sa kanya, nasa 700 tonelada ng seaweeds ang natunaw at hindi na napakinabangan pa.

Natuwa naman si Padul na may ilang nagtabi ng sample ng seaweeds sapagkat iyon ang kakailanganin sa pagsusuri nilang gagawin sa BFAR o sa Fish Lab.

“Ang tingin ko, may chemicals talagang nailagay diyan eh. Pangalawa, siguro sudden change ng environment. ‘Yong temperature.[Pero] hindi ko rin maintindihan pa,” aniya at idinagdag na iyon ang aalamin ng kanilang tanggapan.

Samantala, ukol naman sa magiging tulong ng LGU Roxas, ani Padul, sa palagay niya ay magiging “limitado” lamang ito.

“Ang tingin ko magiging limitado ‘yong intervention ng LGU kasi unang-una nga, walang kumuha ng  mayor’s permit diyan sa kanila. Kasi ‘yang area na ‘yan, supposed to be, babayaran nila, may rent sila riyan. Pangalawa, assuming na mayroon silang mayor’s permit, kailangang mag-apply din sila sa crop insurance. So, kung mag-a-apply sila sa crop  insurance, prerequite ‘yong mayor’s permit. Pero depende kay Mayor ‘yan,” ani Municipal Agriculturist Padul. Sagot naman ng presidente ng GIFA, mayroong mayor’s permit ang kanilang asosasyon bagamat aminado siyang hindi pa sila nakapag-a-apply para sa crop insurance ngunit balak na rin umano nilang mag-apply sa susunod na taon.