Kita sa mga larawang ito ang siksikang kondisyon sa mga trak na ginamit para ihatid ang mga manlalaro ng Rizal patungong Bataraza para sa Provincial Meet 2019. Photo by James Factor

Event

Mga atleta ng Rizal, hindi pa umano nakakatanggap ng pondo mula sa kapitolyo para sa Provincial Meet

By Hanna Camella Talabucon

November 03, 2019

Viral ngayon ang isang Facebook post ng netizan na si James Factor matapos niyang ipakita sa pamamagitan ng mga larawan ang kalagayan ng mga batang atleta ng Bayan ng Rizal sa kanilang pag-alis kanina upang tumungo sa gaganaping Provincial Meet sa bayan ng Bataraza.

Sa post ni Factor kaninang umaga, Nobyembre 3, makikitang nakatayo lamang at siksikan ang mga batang atleta sa truck na babiyahe patungong Bataraza.

Samantala, sa inisyal na panayam ng Palawan Daily News kay Kagawad Zorin Cadima, Chairman ng Committe on Sports ng Rizal, kinompirma nito na wala pang natanggap na pondo mula sa Provincial Government ang kanilang munisipyo upang gamitin sa gastusin na kakailanganin ng mga batang atleta sa Provincial Meet ngayong tao.

“Sa katotohanan, wala pang natatanggap na budget ang ating local government,” giit ni Cadima.

Kinumpirma din ito ni Ramil Majestad, Municipal Sports Coordinator ng Rizal, na wala pa umano silang natatanggap na pondo mula sa Provincial Government, dahilan upang sila ay manghiram lamang ng mga truck ng iilang pribadong indibidwal sa Rizal upang gamitin panghatid ng kanilang kuponan.

“Wala pa rin kaming natatanggap na pondo mula sa provincial government,” ani ni Majestad.

Dagdag ni Majestad, sa kasalukuyan ay hindi pa rin na-aprubahan ang supplemental budget na kanilang hiniling mula sa Sangguniang Bayan na gagamitin sana nila sa mga gastusin na kakailangan ng nasa tinatayang 290 mga atleta at coach sa ilang araw na palaro.

“Sa local government, wala kaming pondo para sa transportation. Sa ngayon, for supplemental pa lang ‘yung budget namin since bago palang si Mayor Odi. So hindi pa naa-approve ‘yung supplemental namin kaya gumawa muna kami ng paraan para makapag-participate kami sa Provincial Meet,” pahayag ni Majestad.

Bagaman nagdulot ng pagkabahala sa mga magulang, netizens at residente ang post ni Factor, ipinaalam ni Majestad na matiwasay umano silang nakarating sa Bataraza kaninang umaga matapos ang tatlong oras na biyahe.

“Gumawa na kami ng paraan, hindi naman namin kinawawa ang mga bata. Hindi naman talaga sila siksikan doon, naka-safety naman sila. Nakarating naman po kami dito (Bataraza) ng maganda, wala namang masamang nangyari,” ani ni Majestad.

Nanawagan din ito sa publiko na kanilang bigyan ng agarang unawa ang sitwasyon ng pamahalaang bayan ng Rizal sapagkat sa kasalukuyan ay nagpapagaling pa si Mayor Otol Odi matapos itong maospital ng halos isang buwan dahil sa naitalang karamdaman nito sa kanyang buto.

“Okay lang naman. Sa totoo lang mga taga-Rizal din naman ‘yung mga taong nagko-comment. Sana makipag-isa nalang din sila para matulongan kami,” giit ni Majestad.

Sa ngayon ay patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang mga nabanggit na opisyales sa provincial goverment upang mabigyan ng karampatang pondo para sa Provincial Meet 2019.

“Sa ngayon, wala pa kaming natatanggap na budget mula sa province pero mas maganda kung may matatanggap kami para matugonan din namin ‘yung kailangan nang mga players namin,” ani Majestad.