Nakatago sa kasukalan nang ma-recover ng pulisya ang mga gamit na ninakaw mula sa Trinidad Cario Elementary School ng Sitio Linapawan, Brgy. Dumarao, Roxas Palawan.
“Isang area lang [ang pinaglagyan ng mga ninakaw na gamit]. Mga ilang metro ang layo sa bawat isa. Tinago [ang mga ito] sa mga damuhan malapit din lang sa bahay ng suspect,” ayon kay PMaj. Erwin Carandang, chief of police ng Roxas Municipal Police Station (MPS) sa pamamagitan ng chat message.
Ayon kay PMaj. Carandang, nakita kahapon, May 4, 2021, ng kanilang hanay ang nasabing mga kagamitan sa masukal na bahagi ng Brgy. New Barbacan matapos na itimbre sa kanila.
Ksama sa mga ninakaw na kagamitan mula sa nasabing paaralan noong Abril 29 ay ang dalawang Portable Gasoline Generator na nagkakahalaga ng P7,900 at P13,000; isang headphone na nagkakahalaga ng P1,200; Audio Mixer-P6,495; isang AVR 500 watts-P1,500); pitong pirasong 2in1 HP brand Tablet Hewlet Packard–P20,000 at ilang piraso ring Safeguard.
Sa spot report buhat sa Roxas MPS, nakasaad na matapos ang kanilang hot pursuit operation noong Mayo 3 ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa isang concern citizen at may itinurong suspek na si Rico Aquino, 47 taong gulang at residente ng Brgy. New Barbacan, Roxas, Palawan.
Una umanong itinanggi ng suspek ang kanyang kinalaman sa krimen at tumanggi rin sa pagsasagawa ng voluntary search sa kanilang tahanan at sa halip ay humingi sa pulisya ng valid search warrant.
Ngunit kinabukasan ay muling nakatanggap ng impormasyon ang Roxas PNP mula sa isang concerned citizen na nakita niya umano mismo na inililipat ng suspek katuwang ang hindi pa kilalang indibidwal ang mga ninakaw na gamit patungo sa isang bakanteng lote na pagmamay-ari at kinu-cultivate din ni Anello sa bahagi ng Municipal Airstrip sa Brgy. Barbacan. Bunsod nito ay tinungo ng pulisya ang lugar matapos ang pakikipag-ugnayan sa barangay, at doon na tumambad ang mga nakaw na gamit.
Nang kausapin naman ng PNP ang suspek ukol sa naganap, inamin nito ang kinaroroonan ng iba pang nakaw na gamit kaya natunton ng mga awtoridad.
Nagpapasalamat naman ang hepe ng Roxas PNP sa mga taong tumulong at nagbigay ng impormasyon upang matukoy at maresolba ang nakawang nangyari.
“Ito ay pagpapatunay lamang na ang gusto ng mamamayan ng bayang ito ay isang matiwasay at tahimik na pamayanan,” ang post pa ni Carandang sa kanyang social media account ngayong araw.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Roxas PNP ang suspek, kabilang ang isang motorsiklo na ginamit umano sa naganap na pagnanakaw.
Kakaharapin naman ng suspek ang kasong “Robbery by Means of Force Upon Things.”