Mga labi ng sakay ng UH-1H No. 517 chopper na bumagsak sa may bahagi ng Bukidnon

Provincial News

Mga labi ng sundalong Palaweño na nasawi sa bumagsak na helicopter sa Bukidnon, dinala na sa Tuguegarao

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 19, 2021

Iniluwas na sa Tuguegarao, Cagayan kahapon ang mga labi ng sundalong Palaweño na kasama sa mga sakay ng bumagsak na helikopter ng Philippine Airforce sa Bukidnon.

Sa impormasyon pang ibinahagi ng PAF Headquarters, nagsagawa muna ng isang Banal na Misa noong Enero 17 bilang pagkilala sa kagitingan ng mga yumaong kawal.

Matatandaang nagkaroon ng air mishap ang sinakyang UH-1H No. 517 chopper ng grupo ng pilot in Command na si LtC. Arnie S. Arroyo at co-pilot na si 2Lt. Mark Anthony Caabay, sa bahagi ng Bukidnon na sana’y magsasagawa lamang ng resupply mission noong Enero 16. Sakay din ng naturang military chopper sina SSg. Mervin D. Bersabi, A1C Stephen M. Agarrado, Sgt. Julius B. Salvado, CAA Jerry Ayocdo at CAA Jhamel G. Sugalang.

Una ding ginawaran ng military honors ang apat na yumaong Airmen nang dumating ang kanilang mga labi sa Brigadier General Benito N. Ebuen Air Base noong linggo ng hapon, January 17, 2021.

Pinangunahan ang nasabing programa ni Vice Commander, MGen. Florante M. Amano. Dumalo rin sa pagpupugay para sa mga yumaong sundalo sina Air Command Commander, MGen. Simeon Felix, at 205th Tactical Helicopter Wing Commander, BGen. Teofilo R. Bailon Jr.

Ang tatlo namang miyembro ng Philippine Army ay nai-transport na rin sa Bukidnon at Agusan del Sur matapos ang Banal na Misa.

Kapwa nagpaabot ng pakikidalamhati ang PAF at ang Sandatahang Lakas sa pamilya ng mga magigiting na kawal at nagpaabot ng kanilang pagsaludo sa kanilang serbisyo sa bayan.

Sangguniang Panlalawigan ng Palawan naman, sa pamamagitan ng isang privilege speech ngayong araw ay nagbigay din ng pakikiramay si Board Member Maria Angelanl Sabando ng Bayan ng Roxas para sa pamilya ng kababayang yumao habang tinutupad ang tungkulin. Si 2Lt. Mark Anthony Caabay ay parte ng Philipine Military Academy (PMA) Alab Tala Class of 2018 at tubong San Jose, Roxas, Palawan.