Sa pamamagitan ng isang liham ay hiniling ng mga apektadong residente ng Bayan ng El Nido na mabigyan sila ng extension ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa pagbabayad ng kanilang electric bills upang hindi maputulan ng kuryente.
Sa pag-asang matutulungan sila ng kanilang mga lokal na mambabatas na maipaabot sa PALECO ang kanilang kahilingan, nagsumite ng liham kay Bise Alkalde Luningning Batoy ang nasabing mga indibidwal na binubuo ng mga simpleng mamamayan at mga negosyante sa Sangguniang Bayan ng El Nido ngayong araw.
Umaasa ang mga apektadong residente na sa pamamagitan ng Konseho ay mapagbigayn silang hindi maipatupad ang Disconnection Notice.
“We just received the disconnection notice from PALECO stating that they will be cutting our power supply if we fail to pay on the stated deadline. They will start disconnecting this coming November 4, 5, 6, and 10,” ang nakasaad pa sa liham.
Giit nila, kinakaharap nila sa ngayon ang problema sa kanilang bayarin sa PALECO dahil sa pandemya ay nawala ang pinagkukunan nila ng ikabubuhay at karamihan sa kanila ay nasa “survival mode” sa nakalipas na halos walong buwan.
Samantala, maliban sa pagsulat sa Municipal Board, bukas ay nakatakda rin silang magsumite ng sulat kay Mayor Edna Gacot-Lim ukol pa rin sa nasabing usapin.