Sa isang matagumpay na operasyon ng Maritime Special Operation Unit na pinangunahan ni PMaJ. Julie Buac, nakumpiska ang 109 kahon ng imported na sigarilyo na may tatak na Berlin, na nagkakahalaga ng PhP1,744,000.00, sa bayan ng Taytay, Palawan. Ang operasyon ay isinagawa alas kuwatro ng madaling araw, katuwang ang intelligence unit ng Coast Guard, Police Taytay, at 2nd Police Mobile Force Company.
Naaresto ang dalawang suspek na sina Renzon Geraldino Nuhay, 29 anyos, residente ng Bgy. San Miguel, Puerto Princesa City, at Amin Laki Tulla, 39 anyos, ng Bgy. Matangguli, Balabac, Palawan. Sila ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10863 at RA 10643, na may kalakip na multa, kasong administratibo, at posibleng pagkakakulong.
Bukod sa mga sigarilyo, nakumpiska rin ang dalawang sasakyan, isang Hilux at isang Starex van, na ginamit sa pagpupuslit. Sa kabuuan, ang halaga ng mga nakumpiskang ebidensiya ay umabot sa PhP4,144,000.00.
Ang mga suspek at mga ebidensiya ay nasa kustodiya ng PNP Maritime Special Operation Unit MG, at nakatakdang i-turn over sa Bureau of Customs para sa karagdagang imbestigasyon at bilang ebidensiya laban sa mga suspek.
Discussion about this post