Tinalakay ngayong araw sa regular na session ng Sangguniang Bayan (SB) ng Narra ng mga representative mula sa Department of Education (DepEd) ang rekomendasyong “Modular Distance Learning” (MDL) approach para sa mga libo-libong estudyante ng munisipyo ngayong nalalapit na pasukan.
Ayon kay Benjamin Lamitar, Principal 3 ng Narra del Norte, wala sa opsiyon ng DepEd sa ngayon ang magkaroon ng tinatawag na “face to face system” kung saan ang mga estudyante at guro ay pisikal na nagtitipon at nagka-klase sa mga paaralan kagaya noon. Ito ay dahil na rin sa banta ng malawakang pandemya ng COVID-19.
Sa question hour ng session, bagaman inamin ni Lamitar na malaking pagbabago ang magaganap sa pagbubukas ng pasukan sa taon na ito para sa mga estudyante, maraming suliranin din ang nakaakibat sa parte ng mga guro at paaralan sapagkat ang ganitong klase ng sistema sa pagtuturo ay kanilang tatahakin din sa unang pagkakataon.
“Adjustments po talaga pero on the bright side, magkakaroon ng oras ang mga magulang na makapagturo din sa kanilang mga anak. Kami talaga, as educators, mas gusto namin na nagka-klase po sa classrooms at nakikita namin ang mga bata para namomonitor namin ng maigi,” ani Lamitar.
Ayon kay Lamitar, sa MDL, sa pamamagitan ng flash drives o USB ay bibigyan ang mga bata ng parehong online at offline modules na kanilang maaring buksan at pag-aralan, mayroon man o walang internet sa bahay.
Para naman sa mga mag-aaral na nakatira sa malalayo o liblib na lugar na hirap sa kapasidad upang makakuha ng modules upang makapag-aral, ang DepEd ay naglaan ng ilang mga programa kagaya ng ALS o ang Alternative Learning Sytem.
Sa ALS, ayon sakanya, ay tututokan ng mga guro na maturuan ang mga estudyanteng kapos sa kapasidad na makapag-aral sa ilalim ng tinatawag na “new normal.”
“Sila po ang prayoridad ng DepEd na maturuan sa ilalim ng ilang mga programs kagaya ng ALS. ‘Yung ating mga mag-aaral na IP’s at’ yung mga kulang sa kapasidad na makapag-aral. Ito po talaga ang panuntunan ng DepEd. No child is left behind, ” ani Lamitar.
Para naman sa mga munting mag-aaral na nasa baitang ng Kinder pababa, kinakailangan ng malugod na patnubay at pag-alalay ng mga magulang sa kanilang pag-aaral bagaman ang mga ito ay bibisitahin din ng mga guro upang ma-monitor ang kanilang pag-aaral.
Bibigyan din umano ng tiyansa ang mga guro na turuan ang mga magulang kung paano nila mabisang maipapasa sa kanilang mga estudyante ang mga leksiyong tatalakayin sa pamamagitan ng MDL.
Tinitingnan din ng mga mambabatas ng SB at ng DepEd ang pagkakaroon ng regular na time slot ng mga guro upang makapag-turo sa mga lokal na istasyon ng radyo sa lugar ng sa gayon ay mapakinggan at maabot ang mga mag-aaral sa ibat-ibang bahagi ng bayan.
Sa susunod na hearing ng SB ay nakatakda namang ipatawag ang mga representative ng mga lokal na istasyon ng radyo kaugnay rito.
Sa ngayon ay nasa tinatayang 11,000 na ang enrollees para sa primary education at nasa 9,000 mahigit naman ang nasa ilalim ng secondary education sa munisipyo.
Nakatakda namang magbukas ang pasukan sa mga pampublikong paaralan sa bayan ng Narra ngayong August 24.