Nabahurang MV Lucky Forever, hindi pa rin maialis

0
235
MV Lucky Forever na nabahura sa Cagayancillo, Palawan
- Advertisement -

Halos apat na linggo na ng sumadsad at nabahura sa karagatan ng Cagayancillo ang barkong MV Lucky Forever, kaya ganoon nalang ang pag-alala ng lokal na pamahalaan ng bayan na baka mas lalong malala pa at mas lumaki ang magagawang pinsala ng barko sa mga korales doon.

Ayon sa bise alkalde ng munisipyo, nagsagawa na rin daw sila ng assessment sa mga korales na patuloy na nasisira dahil sa paghampas ng alon sa barko.

“Napuntahan na namin iyong barko noong nakaraang araw. Natatakot nga kami na baka mas lalo pang lumala ang masisisrang bahura dyan, kasi pag lumalakas ang alon, eh nauurong iyong barko,” saad ni Vice Mayor Joel Carceler.

Pinag-iisipan na rin ngayon ng lokal na pamahalaan ng Cagayancillo kung ano ang kanilang magiging legal na hakbang para mapanagot ang pamunuan ng nasabing barko.

Bagama’t hindi raw gaanong makakaapekto sa kabuhayan ng mga residente doon ang pagkasira ng mga korales, mararamdaman pa rin daw ito, dahil maliban sa pagtatanim ng seaweeds, pangingisda rin ang inaasahan ng mga taga-Cagayancillo.

“Sabihin na natin na hindi gaanong maaapektuhan ang hanapbuhay ng mga kababayan namin dito, pero alam naman natin na sa mga corals nagpaparami ang mga isda. Isa rin yan sa mga tirahan nila. Pag tuluyang nasira yan, mawawalan ng isda dito. Kaya makaka apekto pa rin kahit paano. Hindi man ngayon, pero baka darating din dyan,” dagdag ni Vice Mayor Carceler.

Isa rin sa ikinababahala ng mga residente doon na pagtumagal pa ang barko sa bahura ay magkaroon ng oil leak sa lugar. Kaya agad namang nagsagawa ng assessment ang Philippine Coast Guard at PENRO, pero dahil sa delikado ang paglapit sa barko, nagpasya nalang ang PCG na lapitan ito gamit ang kanilang rubber boat.

Umikot ang grupo sa barko at kumuha na rin ng mga water sample para suriin kung kuntaminado ba ito ng langis.

Isa rin sana sa pakay ng PCG na sisirin ang ilalim ng dagat para malaman kung gaano na kalaki ang mga nasirang korales, pero dahil sa malalaki ang alon at malakas ang agos ng tubig, minamubuti nalang na huwag ng ituloy ang pagsisid.

Kaya panawagan ng pamahalaan ng Cagayancillo na sana maalis na ang barko sa lalong madaling panahon.

- Greetings -

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here