Inamin ni Narra Municipal Budget Officer Edna Escobanez sa isang eksklusibong panayam ng Palawan Daily kamakailan lamang na bagaman nakapasa nang tinatawag na “executive budget plan” sa opisina ng lokal na Sangguniang Bayan ng Narra ang opisina ni Narra Mayor Gerandy Danao noong Oktubre 16, 2019 ay wala umano ditong nakapaloob na “planning documents” o attachments ang iba’t-ibang sektor ng munisipyo.
Ito rin ang naging isa sa mga dahilan kung bakit ilang buwang walang pasahod na naibigay ang lokal na pamahalaan sa ilang daan nitong mga job-order employees at gayundin ang pagbigay ng benepisyo mula sa pamahalaan sa mga senior citizens ng nasabing lugar ayon naman kay Atty. Christian Jay Cojamco sa nagdaang preliminary hearing ng kasong isinampa ng SB Narra laban sa alkalde ng bayan.
“Nag-budget hearing pa po kami kasi ‘yung mga plans po hinintay pa. Actually kapag RA 7160 ang pag-usapan natin, supposed to be kasama pag-submit namin ng Ocotber 16, kasama na dapat’ yun. So nahuli po ‘yun,” ani Escobañez.
Dagdag niya, ibinalik umano ito sakanila ng SB noong Enero 29, sapagkat hindi nila ito maaring i-approve ng walang kaukulang mga plano na marapat na kanilang nai-submit kasabay ng executive budget plan noong Oktubre 16. Kaya naman, noong sumunod na araw, Enero 30, ay nag-request ang SB na mag-resubmit sila ng panibagong plano na mayroong kaukulang dokumento.
“Hinanap nila ‘yung mga supporting na mga plans. So talagang aminado naman kami na walang mga plans kasi noong January 29,’ yun ‘yung pagbalik nila sa amin. Then January 30 nagre-submit kami kasi’ yu g hinahanap nila ay ‘yung approved plans na galing sa mayor’s office, ” ani Escboñez. Ayon sa RA 7160 o ang Local Government Code of 1991, ang tinatawag na “Local Govenment Budget” ng isang munisipyo ay ang isang detalyadong plano kung papaano gagastusin ng isang lokal na pamahalaan ang pondo nito pang-isang taon kaugnay sa pangangailangan, prayoridad at proyekto ng isang munisipyo.
Ang tinatawag namang “budget process” base pa rin sa RA 7160 ay binubuo ng apat na bahagi. Ito ay ang pag-hahanda at pagsumite ng mga opisinang involve, pag- apruba ng mga opisinang kailangang mag-apruba, ang pag-papatupad nito at ang pang-huli ang audit at evaluation upang makasigurong nagastos ng maayos ang isang pondo ng lokal na pamahalaan.
Nang tanungin ng Palawan Daily kung aminado ba siya kung kulang ang mga dokumentong hinggil sa annual na pondo na ipapasa nila upang aprubahan ng SB noong Oktubre 16, sinabi ni Escobañez na alam naman umano nila ito ngunit kanila pa rin itong ipinasa para sa sinasabing “compliance” at hindi lumabag sa RA 7160 o ang Local Government Code of 1991.
“Kasi supposed to be, kasama dapat diyan ‘yung mga approved plans pag-submit noong October 16. Nag-submit lang po ako for compliance. Alam nila’ yan. Nasa RA 7160 po ‘yan,” ani Escobañez.
Nang tanungin ng Palawan Daily kung bakit tila wala ito sa inilabas na sworn statement ni Escobanez, sinabi nito na mayroon naman daw siyang inilagay na naaprubahan ng SB ang budget noong Marso 16 na.
“May na-cite po ako doon na nagkaroon ng committee report hinihingi nila sa amin ‘yung mga kakulangan at inamin ko naman na wala kaming na-submit,” ani ni Escobañez.