Photo credits to the owner

Provincial News

‘No’ nasa likod umano ng paninira ng campaign poster sa Brooke’s Point- Mayor Feliciano

By Gilbert Basio

March 02, 2021

Inakusahan ng alkalde ng Brooke’s Point, Palawan ang kampo na kontra sa sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya na siya umanong nasa likod ng pagsira sa ilan nilang campaign materials.

“Sa akin po, sabi ko wag niyong tanggalin yung mga tarps na yan, yung isa nga ini-sprayan ng black. Sabi ko kasi diyan pa lang makikita natin kung anong klaseng tao yung mga nagsusulong ng NO. kahit naman sa Facebook wala silang ginawa kung hindi manira,” pahayag ni Mary Jean Delos Angeles Feliciano, Mayor ng Brooke’s Point, Palawan.

Sinagot din ni Mayor Feliciano ang bintang na baka sila rin ang gumawa ng pagsira nito. May pasaring din ito sa kabilang kampo.

“Sino ba naman yung maglalagay ng tarp na grupo rin ng Yes ang sisira, hindi po. Kaya nga kami naglagay ng tarp ng Yes para makita ng tao na kami po ay sumusuporta sa Yes, kaya lang alam naman po natin na ang gumagawa niyan ay yung aming mga kalaban na sumusuporta naman sa No.”

Samantala sinalag naman ito ng One Palawan Movement at nagtataka umano sila kung bakit mayroong ganitong pangyayari sa Bayan ng Brooke’s Point dahil sinasabi na malakas ang ‘Yes’ dito.

“Nakakapagtaka diyan, ang akala namin solid ang ‘Yes’ doon sabi ni Mayora, so bakit ganun sa poder nila siya ang makapangyarihan doon ay may ganung pangyayari doon. Hindi namin alam yan, hindi tama ang paratang yan.”

Hiniling din ni Del Rosario na sana ay hindi na mangyari ang paninira ng mga poster at tarpaulin sa ‘Yes’ man o ‘No’ at nais aniya nila ay magkaroon ng mapayapang plebisito sa Palawan.

“Bakit pa kami magsasayang ng panahon sa ganyan. Wala tayong control sa tao pero hindi natin kinukunsinti ang ganyan kung sa One Palawan gusto natin mapayapa pa rin yung plebisito. Ang panawagan natin na sana walang ganun sa both sides sana maging mahinahon ang lahat at tumingin lang sa tamang rason at bumoto ng maayos sa plebisito,”