San Vicente, Palawan

Provincial News

NPA, idineklarang persona non-grata sa Bayan ng San Vicente

By Diana Ross Medrina Cetenta

July 21, 2020

Itinuturing na ngayong persona non-grata ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Bayan ng San Vicente makaraang pumirma ang mga kapitan sa Manifesto of Support para sa  Executive Order  (EO) 70, pagkondina sa communist terrorist group (CTG) at ang pagdedeklara sa kanila bilang “hindi katanggap-tanggap” sa mga nasasakupan nilang barangay.

Sa post ng MBLT-3 kamakailan, nakasaad na isinagawa ang deklarasyon kasabay ng nagpapatuloy na Gabay Alalay Cascading Forum sa nasabing munisipyo na kung saan, isinagawa ang General Meeting noong ika-17 ng Hulyo sa Covered Court ng Brgy. Poblacion na pinangunahan ng Municipal Task Force (MTF) ELCAC-San Vicente at Municipal Local Government Operation Officer (MLGOO), katuwang ang Peace, Law Enforcement and Development Support (PLEDS) Cluster.

Layon ng nasabing pagpupulong na mapagkasunduan at malagdaan ng lahat ng mga dumalo, pangunahin ang mga punong barangay, ang mga hakbangin laban sa mga makakaliwang-grupo.

Naging aktibo at malawakan naman umano ang talakayan at ang palitan ng mga suhestiyon sa kung paanong mas mapaiigting pa ang mga serbisyong maihahatid ng pamahalaan sa mga mamamayan ng San Vicente at upang mas mapalawig pa ang pagpapatupad ng EO 70 hanggang sa lebel ng mga barangay.

“Ang naturang mga deklarasyon laban sa CTG ng mga lokal na opisyal ng Bayan ng San Vicente ay malaking susog at malinaw na pagsuporta sa nagkakaisang layunin na wakasan na ang mapanlinlang at mapangwasak na gawain ng naturang teroristang grupo, tungo sa sama-samang pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran,” batay pa sa post ng MBLT-3, isa sa mga  bumubo ng PLEDS Cluster sa Palawan.

Ayon naman sa pinuno ng Joint Task Group North (JTGN) na si LtCol. Charlie Domingo na siya ring commander ng MBLT-3, siyam na sa sampung kapitan ng barangay ang nakapirma sa nasabing hakbangin habang ang isang namang wala sa araw na iyon dahil sa isang official business ay nangako umano sa DILG na susunod na ring pipirma.