BVC NPA Palawan

Provincial News

NPA magsasagawa ng patas na imbestigasyon sa kanilang hanay

By Lexter Hangad

August 04, 2020

Magsasagawa ng patas na imbestigasyon sa hanay ng New People’s Army (NPA) dito sa lalawigan ng Palawan base sa sulat na kanilang ipinaabot sa tanggapan ni SB Member Pedy Sabando sa bayan ng Roxas Palawan kaninang umaga Agosto 4, 2020.

Base sa nilalaman ng isang liham ay tinitiyak ng Bienvenido Vallever Command (BVC) sa publiko na gagawin nito ang patas na imbestigasyon alinsunod umano sa mga proceso ng kanilang rebolusyonaryong sistema ng hustisya.

Habang ang isang sulat naman na galing sa tagapag salita ng Melito Glor Command, New Peoples Army – Southern Tagalog na si Armando Cienfuego sinabi nito na nais nilang bigyang katiyakan ang lahat lalo na ang Philippine Nurses Association – Palawan Chapter at mga medical personnel ng Rescue 165 na hindi umano nila kailanman target ang mga medical practitioners pati ang mga sibilyan sa mga aksyong militar ng mga ito.

Inaatasan rin ang BVC na agad magsagawa ng imbestigasyon upang malaman kung sangkot ang isa sa kanilang hanay sa nangyaring pananambang kamakailan.

Samantala, ayun sa BVC kung napatunayang may sangkot sa kanilang hanay ay nakahanda naman silang magbigay ng indemnipikasyon o pakikiisa ng damdamin sa mga napinsala at nasaktan.

Kung matatandaan noong Agosto 1, 2020 ay nangyari ang pananambang pasado 3:00 ng hapon sa Brgy. Dumarao, Roxas Palawan kung saan nasawi ang isang nars ng Rescue 165 na kinilalang si Aljerome Bernardo, 51 anyos, may asawa at residente sa Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa habang ang dalawang kasamahan naman nito ay nakaligtas mula sa nangyaring pamamaril.