Mariing pinabulaanan ng New People’s Army (NPA) na may kinalaman sila sa kamakailang napaulat na ambush sa Bayan ng San Vicente.
Batay sa ipinadalang e-mail ng tagapagsalita ng Bienvenido Vallever Command (BVC) Bagong Hukbong Bayan-Palawan na si Salvador Luminoso noong araw ng Linggo, tahasan nilang pinasisinungalingan ang naunang pahayag ng San Vicente MPS at ni Mayor Amy Alvarez laban sa kanilang hanay.
“Ang iresponsableng pahayag na ito ng PNP at ni Mayor Alvarez ay pinabubulaanan ng BVC (Bienvenido Vallever Command) at tahasang ipinapahayag na ang akusasyong ito ay pawang kasinungalingan at gawa-gawa lamang,” ani Luminoso.
Aniya, hindi kabilang sa kanilang mga yunit ang nagsagawa ng nasabing ambus kung totoo man umanong may naganap na pang-a-ambush. Bagamat matatandaan namang hindi pa kinukumpirma ng Palawan Provincial Police Office na NPA ang nasa likod ng naganap sa San Vicente at tinawag pa nila itong “engkwentro” o “shooting incident” at hindi pananambang.
“Hindi ito magagawa ng NPA-Palawan dahil mahigpit na ipinatutupad ng BVC sa lahat ng mga yunit nito ang patakarang hindi dapat ibilang sa armadong aksyon ng NPA ang lahat ng mga indibidwal, grupo at sektor(maging military man o pulis)na nakatalagang maghatid ng suplay sa mga apektado ng pandemyang COVID-19. Maliban kung ginagamit lamang ng mga mersenaryong pulis at militar ang pabalat-bungang mga relief operations upang tabingan ang mga operasyong militar na saklaw ng aming mga larangan at sonang gerilya” dagdag pa ng spokesperson ng BVC.
Tahasan pa nilang tinawag na “mga hambog at sinungaling” ang 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company(PMFC) at si Mayor Alvarez ukol sa naging pahayag nilang kagagawan ng NPA–Palawan ang kamakailang pananambang sa San Vicente.
“Katamaran, Kayabangan. Ito ang nakikitang dahilan ng Bienvenido Vallever Command(BVC) kung bakit mas madali para sa 2nd PPMFC at kay Mayor Amy Alvarez na ituon ang sisi sa grupo ng NPA na nagsagawa diumano ng pang-aambus noong ika-21 ng Mayo sa New Agutaya San Vicente, Palawan na ikinasugat ng isang pulis,” ayon pa sa kanilang liham.
Kaugnay nito ay nagpaabot ng pagsimpatya ang BVC kay Patrolman Jayson Javares Catanduanes na nagtamo ng sugat sa nasabing insidente at sinabing tiyak umano silang biktima siya ng ganid at pansariling interes ng kanilang mga opisyal upang magkaroon umano ng magandang dahilan ang kabagalan ng kanilang paghahatid ng mga relief sa mga taong epektado ng magulo, pabago-bago at di maintindihang patakaran ng gobyerno sa pagharap sa COVID-19.
“Hindi malayong ang nangyari sa kanya ay resulta ng isang planado at maruming taktika ng kanilang mga opisyal upang bigyang katwiran ang mga operasyong ilulunsad ng mga militar at pulis laban sa NPA,” ayon pa sulat.
Isang mabigat pang akusasyon ang kanilang binitiwan kaugnay sa pagpapasuko sa gaya nilang makakaliwang-grupo.
Ayon pa sa tagapagsalita ng NPA-Palawan, marami na silang natatanggap na reklamo na habang limitado ang galaw ng mga karaniwang mamamayan ay sinasamantala umano ng mga Marines at pulis ang kanilang kapangyarihan upang dahasin ang mga lider masa at gipitin ang mga pinaghihinalaang may koneksyon sa rebolusyunaryong kilusan.
“Pipiliting sumuko at ipapailalim sa E-CLIP bilang mga pekengsurenderi at makakurakot ng malaking pondo sa kaban ng bayan,” aniya. Sa kabila nito, ipinaabot ng grupo na nakahanda silang makipagtulungan sa hanay ng pulisya at mga sundalo ngayong panahon ng krisis.
“Kung sinasabi ng lokal na pamahalaan ng San Vicente na abala sila sa pagbibigay ayuda sa mga biktima ng militarisatang lockdown dulot ng COVID-19, ang mga yunit naman ng BVC ay higit na abala sa mga sonang gerilya upang abutin ang higit na maraming masa na kapos pa sa kaalaman hinggil sa pandemyang COVID-19. Isinasagawa ng mga yunit ang pagtuturo ng kumprehensibong pangangalaga sa kalusugan, madaliang pag-agap sa sakit at sama-samang magtulungan upang maisaayos ang kalusugan at pagkain ng gipit na mamamayan….,” ani Luminoso.
Nagparunggit din ang CPP-NPA kina Gob. Jose Chaves Alvarez at Mayor Alvarez na habang ipinagmamalaki nila ang kanilang mga nagawang pagtugon sa krisis ng COVID-19 sa San Vicente at buong Palawan ngunit ang totoo umano ay may malawak na diskuntento sa hanay ng masang Palawenyo dahil sa matinding kagutuman at kahirapan na malaganap ngayon sa buong lalawigan.
Samantala, sinisikap naman ng Palawan Daily News na kunan ng pahayag ang PNP, ang Pamahalaang Lokal ng San Vicente at ang Provincial Government ukol sa mga ibinabatong akusasyon laban sa kanila ng makakaliwang-grupo.