News

Ombudsman, ipinadala sa Provincial Prosecutor ang pagdinig sa reklamo ni Gadayan vs. Danao

By Hanna Camella Talabucon

January 22, 2022

Pormal nang ibinaba ng Ombudsman sa  pamamagitan ng isang memorandum sa opisina ni Chief Prosecutor Allan Ross Rodriguez ng Palawan Provincial Prosecutor’s Office ang pagdinig sa kasong sexual harassment na isinampa ni Joanne Gadayan, isang dating empleyado ng lokal na munisipyo ng Narra laban kay Mayor Gerandy Danao taong 2020.

Base sa kopya ng memorandum na nakalap ng Palawan Daily, bagaman ay taong 2020 pa naisampa ang kaso, kinailangan pa umano nitong kumain ng mahabang panahon bilang pagbigay daan sa inisyal na imbestigasyon ng opisina ng Ombudsman. Ayon rin sa memorandum, nagdesisyon ang Ombudsman na ibaba ito sa level ng Provincial Prosecutor’s Office sapagkat hindi na umano saklaw pa ng Sandiganbayan ang mga ganitong klase ng criminal case.

“The criminal aspect of the attached complainant Joanne Gadayan against Gerandy Danao, Municipal Mayor, Narra, Palawan with the advice that the Prosecution Office can resolve the case with finality and without need of securing the approval of the Office of the Ombudsman, the public respondent in the complaint seeing an official falling outside the exclusive jurisdiction of the Sandiganbayan,” ayon sa endorsement mula sa Ombudsman.

Ayon sa salaysay ni Gadayan sa Palawan Daily nitong Sabado, 22 Enero 2022, bunsod ang kanyang reklamo buhat sa ilang beses na umanong pambabastos sa kanya ng alkalde ngunit ito ay kanyang pinalagpas dahil natatakot siyang mabalikan nito noong panahon na siya ay nagtatrabaho pa bilang empleyado sa nasabing munisipyo.

Ngunit, ayon sa kanya, ay hindi na umano niya natiis pa ang ginagawang pambabastos sa kanya ni Danao nang sukdulan umano siyang nakawan ng halik ng amoy alak na alkalde sa kanyang pisngi noong Year-End Party ng mga tauhan ng munisipyo, ika-20 ng Disyembre taong 2019 sa Narra RVM Gymnasium. Dagdag ni Gadayan, nakita rin umano ito ng ibang mga empleyado na noo’y kasama nila sa naturang party.

“He went to the table where I was seated. Instead of approaching me nicely, he forthwith took hold of my face and forcefully kissed my cheeks in the presence of the employees of the Office of the Municipal Mayor, ” ayon sa complaint letter ni Gadayan.

Ayon sa kanya, mayroon ding insidente na sadyang hinipuan siya ng alkalde sa kanyang hita na nasaksihan rin umano ng isang staff nang alkalde ngunit tinawanan lamang umano siya nito. Matapos ang insidente, nagtungo si Gadayan kina SB Member Ernesto Ferrer at Cenon Garcia upang magsumbong.

Taong 2020 nang lisanin ni Gadayan ang lokal na pamahalaan at buwan ng Pebrero ng parehong taon nang magdesisyon itong kumonsulta na sa abogado ukol sa umano’y mga pambabastos na ginawa sakanya ng alkalde ng bayan.

Ayon kay Gadayan, Marso 2020 nang pormal na natapos ang complaint letter na kanyang ipinasa sa kanyang abogado na nagawa naming ma-finalize noong buwan din na iyun.

Ika-9 ng Hunyo 2020 nang makatanggap umano si Gadayan ng endorsement letter mula sa Ombudsman hinggil sa reklamong kanyang isinampa.

Makalipas ang limang buwan, ikaw 24 ng Nobyembre 2020, ay lumabas ang 1st endorsement ng Ombudsman hinggil sa kaso.

Ngunit dahil nga hindi sakop ng Sandiganbayan ang klase ng kasong kanyang isinampa, nagbaba ng isang memorandum ang Ombudsman sa opisina ng Palawan Provincial Prosecutor’s Office at opisina ni Palawan Vice Governor Dennis Socrates bilang representante ng Sangguniang Panlalawigan. Natanggap ng mga nasabing ahensiya ang memorandum noong Abril taong 2021.

Enero 4, 2022 nang muling nakatanggap si Gadayan ng kopya ng liham ng Ombusdman na naka-address umano kay Vice-Governor Dennis M. Socrates at sa opisina ng Palawan Provincial Prosecutor’s Office. Anya, nakapaloob sa liham mula sa Ombdusman na ipagkakatiwala na ng Ombudsman ang sinabing criminal case sapagkat hindi na umano saklaw pa ng Sandiganbayan ang ganitong klase ng mga reklamo.

Ayon kay Gadayan,  ito ang naging dahilan kung bakit natagalan ang pagproseso ng kanyang isinampang reklamo.

Kinumpirma niya rin sa Palawan Daily na siya ay pinsan ni Board Member Clarito “Prince” Demaala IV na ngayo’y kalaban ni Danao sa magaganap na eleksiyon sa Mayo ngunit, anya, wala umanong alam ang batang Demaala sa kasong kanyang isinampa. Ito umano ay matagal na niya nang napag-desisyunan at wala umanong nanuhol sakanya upang gawin ito.

“Ang tagal nang na-file nito. Kung iisipin, bakit ko pagta-tiyagaan na gugolan ito ng oras? Hindi ako magsisinungaling at gagawa ng kuwento na alam kong pangalan ko, pamilya ko at kahihiyan ko ang nakasalalay dito. Pero dapat malaman niya na hindi porke komo mayor siya eh lahat okay lang na gawin niya,” ani Gadayan.

Sinubukan namang tawagan ng ilang beses ng Palawan Daily si Danao ngunit hindi ito sumasagot sa tawag.

Ngunit, ayon sa salaysay na ibinahagi nito sa lokal na media na Palawan Star na ibinalita nitong Sabado, 22 Enero 2022, pinabulaanan ni Danao ang alegasyon at sinabing ang kasong isinampa ni Gadayan ay “politically motivated” lamang. Giit pa ng alkalde, imposible umanong mangyari ito sapagkat palagi niyang kasama ang misis niya sa lahat ng lakad nito.

“Hindi na kataka-taka ‘yan sa dami ng kasong isinampa nila sakin may bago pa ba diyan?” ani Danao sa inilabas na pahayag.