Provincial News

Online petition para palitan ang apat na miyembro ng PALECO BOD, isinulong

By Hanna Camella Talabucon

February 18, 2022

Kasalukuyan nang nangangalap ng pirma ang isang online petition na naglalayong patalsikin ang apat na miyembro ng Palawan Electric Coopeative (PALECO) Board of Directors (BOD) dahil umano sa matagal o “overstaying” na nilang pananatili sa kanilang mga posisyon at sa hindi pagsagawa ng eleksiyon.

Sa online petition na pinangunahan ng member consumer na PALECO na si Grace Estefano, ang petisyon ay bunsod umano ng ibinabang memorandum no. 2022-05 ng National Electrification Administration o NEA petsang Enero 28.

Ayon dito, lahat ng Electric Cooperatives o ECs ay dapat sumunod sa kanilang By Laws sa iskedyul ng pagsasagawa ng mga District Election at Annual General Membership Assembly o AGMA. Dagdag ni Estefano sa petisyon, ayon umano sa Artikulo 3, Seksyon 3 ng Amended Articles of Cooperation and By Laws ng PALECO, ang pagsasagawa ng AGMA ay ginagawa tuwing sasapit ang ika-tatlo ng Mayo at ang eleksiyon ng distrito ay inilulunsad hindi lalampas sa 60 araw bago ang AGMA.

Dagdag ni Estefano, bukod sa District Election o AGMA, ang termino ng panunungkulan ng mga Board of Directors ay hindi lalampas sa tatlong taon lamang ayon sa Article 3, Section 2-b ng PALECO Articles of Incorporation and By Laws.

Nakarating umano sa kaalaman nina Estefano at ng iba pang sumusulong sa petisyon na  apat na distrito ng PALECO ay mayroong BOD na  wala na sa tamang mandato ng batas ng kooperatiba dahil ang mga ito umano ay maikukonsiderang “overstaying” na sa kanilang mga posisyon.

Ang mga ito ay sina Jeffrey Tan-Endriga ng District IX  na naluklok umano sa kanyang posisyon noon pang ika-13 ng Disyembre taong 2014, Maylene Ballares ng District I na nailagay sa posisyon noong ika-21 ng Marso, 2015, Marrieta Seratubias ng District IV na naging miyembro ng PALECO BOD noong ikaw-30 ng Mayo, 2015 at si Raymund Acosta ng District IX na nanalo sa kanyang posisyon noong ikaw-6 ng Hunyo taong 2015.

Sa ngayon ay mayroon na ring kopya ng nasabing petisyon ang pamahalaang panlalawigan na ipinadala s opisina nina Gov. Jose Chavez Alvarez at Vice Gov. Dennis Socrates.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 37 na pirma ang nasabing online petition.