Provincial News

OPD ng Ospital ng Palawan, bubuksan na muli sa publiko

By Chris Barrientos

July 11, 2020

Muli nang bubuksan sa publiko ang Out Patient Department (OPD) ng Ospital ng Palawan sa Lunes, July 13.

Sa anunsyo ng ONP sa kanilang official Facebook page, kailangang sundin ang mga inilabas na schedule kung sino ang maaaring pumunta sa ospital sa mga itinakdang araw.

Tuwing Lunes, mula alas otso ng umaga hanggang ala singko ng hapon ay maaaring pumunta ang mga matatanda na may karamdaman sa internal medicine. Martes naman ang itinakdang araw para sa pediatrics at Miyerkules ang inilaang araw para sa mga delikadong pagbubuntis, problema sa matres at iba pang kahalintulad na karamdaman.

Courtesy of Ospital ng Palawan

Sa araw naman ng Huwebes itinakda ang mga pasyenteng may problema sa mata, daluyan ng ihi o urology, problema sa tenga, ilong at lalamunan o ENT at sa buto o orthopedic habang tuwing Biyernes naman ang para sa mga nangangailangan ng operasyon.

Bawat pasyente o kasama ng mga ito na pupunta sa ONP ay kailangang sumunod sa mga ipinatutupad na minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, sundin ang social distancing at iwasan ang matataong kapaligiran sa ospital, paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol at iba pa.

Ang anunsyong ito ng ONP ay inilabas isang araw matapos ideklarang magaling na ang tatlong medical staff ng ospital mula sa coronavirus disease o COVID-19.

Courtesy of Ospital ng Palawan