Provincial News

Pagbabago sa temperatura ng tubig, nakikitang dahilan sa pagkatunaw ng seaweeds sa Green Island

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 09, 2021

“Natural na kaganapan,” ito ang naging paliwanag ng mga kinauukulan sa biglaang pagkatunaw ng mga tanim na seaweeds sa Green island sa Bayan ng Roxas noong Disyembre.

Ayon sa Palawan Provincial Agriculturist na si Dr. Romy Cabungcal, sa ginawa nilang pakikipagdayalogo sa ilang miyembro ng Green Island Fisherfolks Association (GIFA) noong January 7 kasama ang BFAR at LGU-Roxas, gawa ng kalikasan ang kalbaryong kinakaharap ng mga seaweed farmers sa lugar.

“Nagkaroon kami ng discussion kung anuman ‘yong mga [problema] doon at ‘yon nga, ang sinasabi nila, na-washout ‘yong kanilang mga seaweed farm but tiningnan namin, [the] result so far, parang natural occurrence ‘yon….Isa ‘yong tinitingnan [namin dito],…mayroong reported ding gano’n na case sa Taytay and isang reported na the same case [also] sa Dumaran. So, parang pare-pareho because of the changes of the temperature—medyo, intense ‘yong temperature tapos biglang bumaba….,” ani Cabungcal.

Sa panayam ng Palawan Daily News online radio program na “PDN Newsroom,” una nang binanggit ni Roxas Municipal Agriculturist Edgar Padul na “Ice-ice” ang dumapong sakit sa seaweed farms ng Green Island. Ang “Ice-ice” ay nangyayari kapag nagbago ang alat ng tubig-dagat, nagbago ang temperatura, at ang tindi ng sikat ng araw. Mataas na ang degree umano ng “Ice-ice” ang tumama sa Green Island kaya sa loob ng 24 na oras ay natunaw maging ang katatanim lamang na mga seaweed.

PAUNANG TUGON

Nakatakda namang magbigay ng seedlings ang Office of the Provincial Agriculture (OPA) sa mga apektadong seaweed farmers ng isla. Ngunit upang makatiyak na hindi rin matunaw ang mga ito, ibang variety muna ang kanilang ipatatanim.

“Sinabihan namin [sila] na ‘yon munang species na pwede ang gamitin; huwag muna ‘yong species na ‘yon [na mga natunaw]. And magkakaroon tayo ng testing, and magkakaroon kami ulit [ng pag-uusap ukol dito]… at least initially, kukuha kami ng seedlings doon sa isang seedler dito sa El Nido or Taytay, ipapabigay namin doon sa [kanilang] fisherfolk association para doon sa seedfarm nila,” aniya.

Nagkaroon na rin aniya sila ng inventory sa bilang ng mga naapektuhang seaweed farmers at iuulat naman ito sa Pamahalaang Panlalawigan at iba pang kaugnay na mga ahensiya.

Sa ngayon ay wala pang hawak na pinal na datos ang OPA dahil hindi lahat ng naapektuhang seaweed farmers ay nakadalo sa naganap na pag-uusap dahil sa maliit lamang ang hall na pinagdausan at kailangan pa ring sumnod sa ipinatutupad na social distancing. Matatandaan namang sa ibinigay na impormasyon ng Pangulo ng GIFA na si Jebrel Ompad, umaabot sa 324 ang mga miyembro ng kanilang samahan, labas pa ang ibang hindi nila miyembro at ang mga individual seaweed planters.

BAGONG VARIETY NG SEAWEED

“Titingnan namin, whatever pa na mga possible assistance na mahihingi kaya nagsama na kami ng BFAR doon. ‘Yon nga, ang request nila (farmers) is mga new seedlings variety, [dahil] baka raw ‘yong mga variety nila ay hindi muna appropriate doon sa area—so, ‘yon din ang isang gagawing study,” ayon pa sa pinuno ng Office of the Provincial Agriculturist.

Ani Cabungcal, sa pamamagitan naman ng itatayong seedling nursery ay pararamihin ang bagong variety para mai-distribute sa mga benepisyaryo.

“Initially, ‘yong aming bibilhin is 30 kilograms [of] seedlings, mga new variety ito na pwedeng i-introduce doon, but this is Kappaphycus pa rin. Ang gagawin lang, i-establish ang seedling nursery para ito na ang mga pararamihin para magkaroon ang mga seaweed farmer na initially na pagkukunan [nila ng seedling],” aniya.

Malugod din niyang ipinabatid sa publiko na ayon sa BFAR ay titingnan nilang makapagbigay din ng seedlings bilang bahagi ng tulong sa mga magsasaka.

Sa impormasyon buhat pa sa Provincial Agriculture Office, ang naapektuhang uri ng seaweed sa Green Island ay red seaweeds (Kappaphycus alvarezii) na kilala rin sa lokal na tawag na Giant Tambalang at Vanguard.

Sa kabilang dako, sa hiwalay namang panayam kay GIFA President Ompad, agad silang magbibigay ng listahan sa OPA upang maging batayan ng ahensiya kung gaano karami ang kailangang bigyan ng seedlings.

“Nagdaos nga sila [rito] ng pagtitipon kasama kaming mga seaweeds planters at ipinaliwanag nila ang tungkol sa pagkasira ng aming pananim, dahil [daw] ‘yon sa pagpapalit-palit ng klima kaya nagkaroon ng pagkatunaw. At di lang po kasi sa isla nangyari, meron din po sa mga karatig na [mga] munisipyo sa bandang Taytay at Dumaran,”

“Nagpapasalamat po kami sa kanila dahil inaksyunan po nila ang aming kahilingan at naliwagan kami, naintindihan namin kung ano ang sanhi ng pagkasira ng aming pananim at nagkaroon kami ng pag-asa na makapagtanim muli sa tulong po nila,” ayon pa kay Ompad.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang pangulo ng Fisherfolks Association sa Palawan Daily News sa pagiging tulay nito na maipaabot ang kanilang hinaing sa mga kinauukulan.