Nakatakdang isagawa ngayong taon sa iba pang mga munisipyo sa norte ng lalawigan ng Palawan ang Gabay Alalay Forum, ayon sa pinuno ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) – 3.
Ani Lt Col. Charlie Domingo Jr., commanding officer ng MBLT-3, sa pakikipagtulungan ng Palawan Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) at mga kinauukulang Municipal Task Forces ELCAC, ay nakatakda rin nilang isagawa ang cascading forums sa lahat ng natitira pang mga bayan sa Northern Palawan.
“Ang Gabay Alalay Forums po ay series ng cascading lectures, information drives at mentoring sessions para sa ating mga municipal at barangay officials, IP leaders, at iba pang community leaders na siya namang bumubuo sa mga Municipal at Barangay Task Forces (MTFs and BTFs) ELCAC,” ayon sa head ng MBLT-3 at Joint Task Group North (JTGN).
Layunin umano ng naturang aktibidad na palakasin at paigtingin pa ang inter-agency convergence mechanisms sa mga munisipyo at barangay upang mapatatag ang kanilang mga pamayanan laban sa mga masasamang elemento gaya ng Communist Terrorist Groups (CTG).
Nakaangkla ang nasabing aktibidad sa Executive Order No. 70 o ang Whole-of-Nation Approach na naglalayong makamit ang kapayapaan, lumikha ng National Task Force upang masugpo na ang Local Communist Armed Conflict at mag-adopt ng National Peace Framework.
Ani Domingo, ang programa ay inisyatiba ng Palawan PTF ELCAC, DILG, Western Command (WESCOM), 3MBde/Joint Task Force Peacock (JTFP), MBLT Tres/JTG North, mga iba pang ahensiya na bumubuo sa PLEDS Cluster, at ng mga Cadre ng Task Force Gabay na mga miyembro rin ng Kapit-bisig para sa Kapayapaan at Kaunlaran (KKK) ng Palawan.
“Ang pinaka-unang Gabay Alalay Forum na ginanap dito sa north Palawan ay no’ng June 10, 2020 na ginanap sa Brgy. 1 (Poblacion), Roxas, at nilahukan naman ng barangay officials from 31 barangays of Roxas,” dagdag pa ni Lt. Col. Domingo.
Matapos sa Bayan ng Roxas, sumunod namang isinagawa ang Gabay Alalay Cascading Forums sa Bayan ng San Vicente na inisyatiba ng Municipal Task Force (MTF) ELCAC at pinangunahan ng kanilang DILG-Municipal Local Government Operation Officer (MLGOO).
Noong ika-10 ng Hulyo ay isinagawa ang ikatlong yugto ng aktibidad sa Gymnasium ng Brgy. Port Barton, San Vicente na nilahukan ng 64 na barangay Officials, SK Chairpersons, mga lider ng indigenous community at iba pang community leaders mula sa mga barangay ng Caruray at Port Barton.
Una namang isinagawa ang naturang forum sa San Vicente sa Brgy. Poblacion noong Hulyo 3 na dinaluhan ng mga barangay ng Poblacion, New Agutaya, San Isidro, at Kemdeng habang ang ikalawang pagkakataon naman ay noong Hulyo 6 na idinaos sa Brgy. Sto. Niño at dinaluhan ng mga barangay ng Sto. Niño, Alimanguhan, Binga at New Canipo. Katuwang sa nasabing programa ang mga ahensiya ng iba’t ibang MTF Clusters gaya ng Peace, Law Enforcement and Development Support (PLEDS) Cluster na kinabibilangan ng MBLT-3, San Vicente Municipal Police Station (MPS) at iba pang PNP units sa nasabing bayan.