Provincial News

Pagpatay kay Atty. Magcamit at Engr. Baluyut itinanggi ng NPA

By Gilbert Basio

December 09, 2020

Naglabas ng pahayag ang New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Bienvenido Vallever Command (BVC) kaugnay sa balitang lumabas dito sa Lalawigan ng Palawan kaugnay sa magkahiwalay na pagpatay kay Atty. Eric Jay Magcamit at Engr. Gregorio Baluyut.

Base sa website ng Philippine Revolution Web Central, mariing itinanggi ng BVC na naglabas sila ng anumang pahayag ukol sa pagpatay sa dalawang indibidwal na nabanggit at iginigiit na nais lamang umanong sirain ang kanilang imahe. “Ipinagbibigay alam namin sa madlang Palaweño lalo na sa pamilya at mga kaibigan ng mga biktima [na sina Atty. Magcamit at Engr. Baluyut] na wala ni anumang pahayag ang BVC. At ang sinumang malisyosong nagsasangkot sa NPA sa pagpaslang sa dalawa ay walang ibang layunin kundi sirain ang imahen ng BVC. Peke at walang katotohanan ang nasabing pahayag,” pahayag ng NPA Nabanggit din ng BVC na ang pagkalat ng mapanirang balita ay kagagawan lamang umano ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Confict (PTF-ELCAC) .

“Tiyak na pakana ng PTF-ELCAC at mga galamay ng AFP at PNP ang pagpapakalat ng peke at malisyosong pagbabalitang ito.” dagdag na pahayag ng NPA. Pinasinungalingan din ng NPA na sila ang nasa likod ng pagpatay ng Engr. Baluyot dahil wala umanong naisampang kaso o reklamo sa kanila ng Hukumang Bayan ng Demokratikong Gubyernong Bayan.

“…tahasan naming pinasusubalian ang paratang na may kinalaman ang NPA sa pagpatay kay Engr. Gregorio Baluyot, ang dating Municipal Planning and Development Officer ng Bayan ng Rizal. Tulad ni Atty. Magcamit, walang pormal na naisampang kaso o reklamo sa kanya sa Hukumang Bayan ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Walang kautusan ang korte ng rebolusyonaryong kilusan para siya’y hatulan ng kamatayan ng New People’s Army.”

Samantala sinubukan naman ng Palawan Daily News na makuha ang panig ng PTF-ELCAC sa pamamagitan ni Col. Stephen Penetrante sa paratang ng NPA subalit naghihintay pa umano sila ng opisyal na pahayag mula sa nakatataas.