Provincial News

Pagtaas ng tubig dagat sa Brooke’s Point, normal na mangyari– Mayor Feliciano

By Angelene Low

January 15, 2021

Nag-viral ang mga video at larawan ng pagtaas ng tubig-dagat sa Brooke’s Point matapos umabot ito sa kanilang palengke noong Lunes, January 11, 2021. Ayon kay Brooke’s Point Mayor Attorney Jean Feliciano, hindi ito ang unang pagkakataon na naranasan ng mga residente ang pagtaas ng tubig-dagat.

“Hindi naman first time kaya yung isang portion namin doon dati [na] maraming tao, hindi na yung may-ari ng lupa ang nagpaalis, ang nagpaalis kami na. ‘Di na rin ganun kataas [yung level ng tubig dagat ngayon] di katulad nung Lunes na talagang hanggang doon sa palengke namin umabot. At usually nararanaasan talaga namin yan dito mga ganitong panahon December [at] January.”

Aminado naman si Roy Tabi Sariego, residente ng District 2, na nabahala sa naranasang biglang pagtaas ng tubig-dagat.

“Hanggang tuhod po halos [yung taas ng tubig]…nakakabahala pero kasi dati pa nangyayari yun. Umaapaw lang po doon tapos bumabalik lang siguro mga 5 dipa lang or 6 na dipa yung tubig tapos bumabalik din. Yung mismong market malayo po doon [sa dagat ay inabot].”

Pero pasalamat umano siya na mabilis ang naging responde ng mga lokal na opisyal ng Brooke’s Point sa nangyaring pagtaas ng tubig-dagat.

“Okay naman po yung response nila [ng LGU]. Mablis naman at lahat naman naabisuhan. Naglagay naman ng mga barikada para hindi na maulit. Yung mga malalapit naevacuate din po nila kaagad-agad..nung gabi din po nun.”

Umaasa naman ang Alkalde ng bayan na mapagbibigyan sila ng Deparment of Public Works and Highways at Pamahalaang Panlalawigan na maaprubahan ang kanilang plano na bay walk, reclamation project at breakwater upang maiwasan na bahang dulot ng biglaang pagtaas ng tubig-dagat.