Provincial News

Palawan at Puerto Princesa, nasa modified general community quarantine

By Chris Barrientos

May 13, 2020

Isasailalim parin sa modified general community quarantine o MGCQ ang buong lalawigan ng Palawan kabilang na ang lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ay matapos bawiin ngayong araw, May 13 ng Malacañang ang una nitong anunsyo na mai-aalis na sa community quarantine ang mga lugar o probinsya na may low-risk cases ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 base sa Inter-Agency Task Force Resolution No. 35.

Sa online press briefing, inamin ni Health Secretary Francisco Duque na nagkaroon sila ng pagkakamali kaya agad anya nila itong itinama.

“Nagkaroon kasi ng honest mistake doon sa inilabas na resolution kung saan ako ay nakapirma kasama si CabSec Nograles,” paliwanag ni Duque sa online briefing.

Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año na ang pagbawi ng IATF sa klasipikasyon ng mga lugar na kabilang sa low-risk batay sa naitalang kaso ng COVID-19 ay bunsod ng pangambang maaaring magkaroon ng ikalawa o ikatlong yugto ang COVID-19 kung hindi na ipatutupad ang anumang uri ng community quarantine.

Idinagdag pa ng kalihim na sa ilalim ng MGCQ, may kapangyarihan na ang local chief executives na gumawa ng sariling guidelines na angkop sa kanilang lugar upang maiwasang makapasok at kumalat ang nakamamatay na virus.

“From GCQ to Modified GCQ ay marami silang measures na pwedeng i-implement at the same time, makakapagluwag na sila ng konti. Pero mayroon parin silang impositions para ma-control parin natin ‘yung movement at ma-control natin ‘yung phasing ng pagbubukas ng industries,” ani Sec. Año.

“Ganun din, from GCQ bago ka pumunta sa new normal, may isa pang phase doon para masanay muna ang ating mga kababayan,” dagdag ng kalihim. Nakatakda rin anyang maglabas ng guidelines ang IATF na siya namang pagbabatayan o susundin ng mga LGU sa buong bansa.