Dahil sa kakulangan ng supply ng baboy sa Pilipinas, may mga negosyante mula sa ibang lalawigan at maging sa Kamaynilaan na dumarayo pa sa Palawan para mamili. Kaya naman madami na ang nagnanais na mag-alaga nito lalo na’t African Swine Fever (ASF) free ang lalawigan.
“Naka-usap ko yung ibang mga MAO (Municipal Agriculturist Officer) para sa kanila…mas kumikita kasi yung mga farmers natin pag ilalabas nila yung kanilang mga alaga, ngayong syempre kumikita sila mas na-encourage ngayon ang mga farmers na mag-alaga. Actually naka-usap ko yung MAO ng Dumaran sabi nila ang dami raw naghahanap ng mga biik para alagaan kasi nga parang natutuwa sila na kumikita sila,” pahayag ni Dr. Darius Pe Mangcucang ng Provincial Veterinary Office.
Ayon pa kay Dr. Mangcucang, bagamat nakikinabang ang mga nag-aalaga ng baboy sa mataas na presyuhan sa merkado, nalalagay naman sa alanganin ang supply ng baboy sa lalawigan. kaya dapat itong magawan ng aksyon habang maaga pa pero dapat siguraduhin na hindi rin malulugi ang mga nag-aalaga nito.
“Alam naman natin yung ASF ay hindi naman basta-basta maaalis, ngayon kung mag de-depende dito sa Palawan yung ibang mga provinces na may ASF makukulangan naman tayo ng supply. Yung ibang mga MAO sabi nila baka puwedeng wag munang i-ban yung exportation ng live swine. Perosa tingin ko parang nagiging critical yung level ng baboy natin dito. In terms of food security baka tayo ang makulangan. Kasi ang Cebu ay nag-issue na ng Executive Order na i-total ban ang paglabas ng baboy kasi sila free rin ang Cebu. So maaaring ganun narin ang gawin natin, pero i-assure rin natin sa mga farmers natin na magiging patas din yung bilihan o presyo.”
Dagdag pa ng Veterinarian, noong nakaraang mga linggo ay may isang libo (1,000) na buhay na baboy ang nailuwas mula sa lalawigan at sa kanilang monitoring ay umaabot ng halos Php 170 kada kilo ang bilihan nito depende sa bigat ng baboy.
“2 weeks ago mayroon tayo nabigyan ng veterinary certificate para sa 1,000 na baboy, pero hindi naman kadalas na weekly kasi ang mga namimili naman eh parang nag-iipon pa yan. Sabihin na natin sa isang buwan isang beses lang. Nagsimula yan noong October last year, kasi yung buong Luzon talagang infested na sila ng African Swine fever ang Mindanao ganun narin tapos dito sa Leyte sa Visayas na dati ay free sya sa ASF ngayon mayroon na rin,”
Ayon naman Christian Macalalad, nag-aalaga ng baboy sa bayan ng Narra, Palawan, ngayon lamang umano sila nakababawi kumpara sa mga lokal na namimili sa kanila na halos hingiin na lang ang kanilang produkto.
“Sana hindi muna ipatigil ang pag-export ng mga baboy kasi baka baratin naman kami ng mga buyer ng dito sa atin, ngayon ang bilihan nasa 160 [pesos ang kada] kilo ng buhay na baboy,” ani Macalalad.