Nagsagawa na ng press conference kahapon, araw ng Lunes, ika-15 ng Agosto, na ginanap sa Governor’s Conference Room sa Gusaling Kapitolyo, na siyang dinaluhan ng Provincial Information Officer, Atty. Christian Jay Cojamco, Provincial Planning and Development Officer-In-Charge, Sharlene D. Viches, kasama na rin ang mga lokal na mamamahayag ng lalawigan upang talakayin ang “Palawan Summit CY 2022.”
Layunin ng press conference na maisulong ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mamamayan hinggil sa mga takdang tatalakayin sa paparating na aktibidad, gayundin ang magandang ugnayan sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at mga media practitioners.
Ayon sa Provincial Planning and Development OIC, ang aktibidad na ito ay inisyatibo ni Palawan Governor Dennis M. Socrates para matugunan ang mga isyu at hamon sa patuloy na pag-unlad ng lalawigan ng Palawan.
“Nabanggit ng mahal na gobernador na isa ito sa mga ipinangako niya noong nakaraang eleksyon ang konsultahin ang lahat ng mga tao sa lipunan. Hindi man natin madadala lahat sa Asturias Hotel, but then our stakeholders na invited, naisip ito ng gobernador,” panimula ni Viches.
“Sa kanyang pag-upo, nagkaroon siya ng baseline development kung ano-ano ba ang dapat natin ipagpatuloy, ano-ano ba [ang] dapat natin simulan sa bawat sektor ng ating lipunan–wala tayong i-iwan [sa] lahat ng sektor [ng] Environment, Governance, Human Development, General Economic and Livelihood, dapat equitable ang resources ng pamahalaan sa lahat ng sector yung distribution,” dagdag ng Provincial Planning and Development OIC.
Samantala, 300 partisipante ang inaasahang dadalo sa pagtitipon na may layuning alamin ang kasalukuyang estado ng lalawigan partikular ng mga mamamayan at iba’t-ibang sektor ng pamahalaan upang matugunan ang mga problema at hamon ng kanilang kinakaharap.
Ang Usapang Palawan Summit CY 2022 na pangungunahan ni Gob. V. Dennis M. Socrates ay may temang “Pagsusuri ng mga Isyu at Hamon sa Patuloy na Pag-unlad ng Lalawigan ng Palawan”, at ito ay gaganapin sa Agosto 17-19, 2022 sa City State Asturias Hotel, lungsod ng Puerto Princesa.