Provincial News

Palawenyo, kasama sa mga binawian ng buhay sa nag-crash na helicopter sa Bukidnon

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 17, 2021

Isang sundalong Palawaneño ang isa sa pitong binawian ng buhay nang bumagsak ang sinasakyang Huey Helicopter sa Sitio Nahigit, Barangay Bulonay, Impasug-ong, Bukidnon kahapon, January 16, 2021.

Kinilala ang biktima na si 2Lt. Mark Anthony “Diit” Caabay, mula sa Bayan ng Roxas na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Alab Tala Class of 2018.

Napag-alamang co-pilot si 2Lt. Caabay ng UH-1H No. 517 helicopter. Galing umano ng Malaybalay,Bukidnon ang helicopter at magdadala sana ng supplies papuntang Impasug-ong nang mapansin ng isa pang kasamang helicopter na umuusok ito.

Ayon sa isang kaibigan ng pamilya Caabay na si Gng. Rizza Locando Llanillo, nalungkot sila nang marinig ang nangyari dahil mabait at mabuting lider ang pumanaw na na si 2Lt. Mark Anthony “Diit” Caabay.

“Madami talaga [ang] nagsasabi na mga under niya sa PMA na super bait po niya at laging nasa tama lagi ‘yong ginagawa niya. Kahit pwede niya ipagawa ang mga bagay do’n sa under n’ya, pero di po n’ya inuutos at siya po mismo ang gumagawa. Gano’n po siya kabait at mabuting leader no’ng nag-aaral palang siya sa PMA,” ayon pa sa ginang.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakita umano ng mga saksi na naka-nose dive position ang helicopter nang bumagsak kaya total wreck ito. Ang iba pang yumao dahil sa insidente ay ang pilot in command na si LTC. Arnie Arroyo, SSg. Mervin Bersabi; PAF Gunner, AIC Stephen Agarrado; ang dalawang pasahero na sina Sgt. Julius Salvador at CAA Jerry Ayukdo ng Philippine Army at isa pang indibidwal.