Provincial News

Pamahalaang Panlalawigan naglabas ng guidelines hinggil sa epektibong contact tracing para sa mga COVID-19 suspects sa lalawigan

By Palawan Daily News

June 22, 2020

Naglabas ng guidelines ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan para sa epektibong pagsasagawa ng contact tracing para sa mga posibleng COVID -19 suspects sa lalawigan.

Ito ay sa pamamagitan ng Executive Order No. 69 series of 2020 na may titulong “PROVIDING GUIDELINES TO FACILITATE THE EFFICIENT TRACING OF CONTACTS OF COVID-19 SUSPECTS” na nilagdaan ni Gob. Jose Ch. Alvarez nitong nakalipas na June 19, 2020.

 

Photos || PIO Palawan

 

Photos || PIO Palawan

 

Photos || PIO Palawan

Nakasaad sa naturang direktiba na ang Pamahalaang Panlalawigan ay in-adopt ang Memorandum No. 2020-0189 o ang ‘Updated Guidelines on Contact Tracing of Close Contacts of Confirmed Coronavirus Disease (COVID-19) Cases’ na nauna nang inilabas ng Department of Health (DOH) noong April 17, 2020.

Samantala, sakaling matukoy ang isang indibidwal na suspect case, agad na isasagawa ang Contact Tracing kung saan kabilang sa mga hakbang na gagawin ay ang identification, listing and follow-up sa mga taong nakasalamuha o naging close contact ng kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19.

Inaatasan naman ang Provincial Health Office (PHO) na maging focal person sa contact tracing na gagawin habang ang Peace and Order Program (POP) ang magiging katuwang nito na siya namang magsisilbing agent.

Samantala, ang mga uuwi namang indibidwal sa lalawigan ay kinakailangang magbigay ng mga impormasyon na makatutulong kung sakaling kailanganing magsagawa ng contact tracing. Ang PHO ang inatasang kumuha ng mga impormasyon sa mga ito tulad ng pangalan ng dumating, lugar ng tirahan, mga lugar na binisita at petsa kung kailan sila tumungo sa mga naturang lugar.

Ang mga restaurants at kahalintulad na mga establisyemento ay inaatasan rin na magkaroon ng daily logbook para sa kanilang guest’s o customers kung saan nakatala ang petsa at oras nang pagtungo ng mga ito sa kanilang mga establisyemento.

Ang mga pampublikong tranportasyon naman ay kinakailangan ring magkaroon ng manifesto o listahan ng mga pasahero kung saan nakasaad rin ang kanilang mga pangalan gayundin ang petsa at oras ng kanilang pagbiyahe.

Samantala, upang matiyak ang privacy rights ng mga indibidwal na dapat protektahan, in-adopt ng Pamahalaang Panlalawigan ang Joint Memorandum Circular No. 2020-0002: Privacy Guidelines on the Processing and Disclosure of COVID-19 Related Data for Disease Surveillance and Response na inilabas ng DOH at ng National Privacy Commission (NPC) noong April 24, 2020.