Provincial News

Pamunuan ng mga barangay, hinikayat na makilahok sa ‘Kusina sa Barangay’

By Diana Ross Medrina Cetenta

April 22, 2020

Umaasa ang pangulo ng pangkalahatang Asosasyon ng mga Kapitan ng Barangay sa Palawan na mas marami pa ang makikilahok sa mga susunod na araw sa proyektong “Kusina sa Barangay” na unang inilunsad at pinasimulan noong ikalawang linggo ng Abril.

Sa pamamagitan ng text message kahapon, Abril 21, binanggit ni League of Barangay in the Philippines-Palawan Chapter Federation President at Sangguniang Panlalawigan Ex-officio member Ferdinand Zaballa, ang unang nag-introdyus ng nasabing programa, na sa ngayon ay nasa 78 na mga barangay na ang nag-iimplementa nito sa buong lalawigan, katuwang ang Pilipinas shell Foundation, Inc. (PSFI).

Aniya, araw-araw ay dumadami umano ang lumalahok kaya inaasahan umano niyang matatapos ang linggong ito ay aabot na sila sa 130 barangay.

Ani ABC President Zaballa, nasa 15 araw na simula nang magsimula sila sa kinabibilangang barangay sa Brgy. Panacan sa Bayan ng Narra, na sa pasimula ay gumamit muna sila ng sariling pondo ng kanilang lugar. Sa pagpapatupad ng nabanggit na proyekto, nauna nang sinabi ng bokal na layon nitong magbigay ng pagkain—kanin at ulam sa mga mahihirap at bulnerableng sektor ng lipunan gaya ng mga senior citizen, buntis at nagpapasusong ina, at mga batang kulang sa nustrisyon.

Karamihan naman umanong barangay ay nagsimula noong Abril 20 at mayroon din noong araw ng Linggo.

Sa virtual session ng Sangguniang Panlalawigan kahapon, Abril 21, masayang ibinahagi ni Board Member Zaballa sa kanyang mga kasamahan sa Junta Probinsyal na ng araw na iyon ay nasa 70 barangay na ang mga nakilahok. Gaya ng binanggit ng bokal, mabilis ang pagdami ng mga nakikilahok sapagkat walo agad ang nadagdag nang kapanayamin na ng Palawan Daily News (PDN) team kinagabihan sa petsa ring nabanggit.

Ayon pa kay Kapt. Zaballa, nasa mahigit 100 sako na umano ng bigas ang personal niyang inihatid sa southern Palawan habang ang grupo ni Provincial Government Chief of Staff Sammy Magbanua ang nakatoka naman sa bahaging norte ng lalawigan.

Ang mga microscopist naman umano ng PSFI sa programa nilang Kilusan Ligtas Malaria (KLM), ang mga naunang nakipag-ugnayan sa personnel ng mga barangay.

Habang ginagawa umano ang proyekto ay nakita umano nila kung gaano ito kaganda at kung gaano kainit ang partisipasyon ng Liga ng mga Barangay at ang private sector upang masolusyunan ang problema sa gutom sa mga barangay sanhi ng global pandemic na COVID-19.

Kaugnay nito, kahapon ay naghain si Zaballa ng ordinansa na naglalayong ma-institutionalize na ang “Kusina Sa Barangay” Project na una niyang ipinasa sa Konseho kamakailan bilang resolusyon, nang sa gayon umano ay maipatupad na ito sa 367 barangay sa buong lalawigan ng Palawan.

Agad namang inaprubahan ng Provincial Board ang kanyang kahilingan sa una at ikatlong pagbasa sa kanilang online session kahapon.

Nauna nang ipinabatid ng Pamahalaang Panlalawigan na ang counterpart nila para sa protekto ay ang paglalaan ng P32,637,692 pondo upang ipambiling bigas na bahagi ng buuang Disaster Preparedness Fund ng Provincial Disaster Risks Reduction and Management Office (PDRRMO).