Provincial News

Pangatlong active COVID-19 case sa Bayan ng Roxas, naitala ngayong araw

By Diana Ross Medrina Cetenta

July 30, 2020

Isa na namang panibagong kaso ng positibo sa COVID-19 ang naitala ngayong araw sa Bayan ng Roxas.

Sa panayam kay Municipal Health Officer, Dr.Leo Salvino, kinumpirma niyang ang bagong kaso ay ang ikatlong active COVID-19 case sa kanilang munisipyo.

Ani Dr.Salvino, ang nasabing indibidwal ay isang 49 taong gulang na Locally Stranded Individual (LSI) na lalaki na dumating sa Palawan noong Hulyo 12 mula sa Kamaynilaan.

Sumailalim umano ang LSI sa Rapid Diagnostic Test noong July 26 at nagposibito kaya isinagawa rin ang swab test at ngayong araw ay lumabas ang resulta na positibo siya sa COVID-19.

Mula sa quarantine facility, sa ngayon aniya ay nasa isolation room na ng Medicare Hospital ang nabanggit na LSI.

Sa talaan ng Munisipyo ng Roxas, lima na ang naitala nilang kaso habang ang naunang dalawa, sa kabutihang-palad ay gumaling na mula sa sakit.

Ang bagong pasyente naman ay nakararanas umano ngayon ng sakit sa likod ngunit wala ng ibang naramdamang sintomas ng COVID-19.

Nasigawa na rin umano ang contact tracing sa sinakyang van ng nasabing LSI mula sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Nananawagan din ngayon si MHO Salvino sa kanilang mga nasasakupan na patuloy na sumunod sa mga umiiral na minimum health protocol upang maiwasan ang paglaganap ng nakahahawang  sakit.

Tiniyak din niyang walang dapat ipag-alaala ang kanilang mga mamamayan dahil wala namang nakahalubilong  ibang tao ang bagong nagpositibo sa COVID-19.