Provincial News

PDRRMO: I-report ang pumapasok sa Balabac at mga kalapit na munisipyo mula Sabah

By Gilbert Basio

October 30, 2020

Pinag-iingat ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO ang mga residente ng Balabac at ng mga kalapit na bayan upang mabantayan ang mga nais pumasok sa kanilang munisipyo galing sa Sabah, Malaysia.

Ayon kay Jerry Alili, PDRRMO Head, mataas ang local transmission sa Sabah kaya dapat bantayan ng mga mamamayan upang hindi malusutan o makapasok ang mga ito sa kanilang lugar.

Dagdag pa ni Alili, kung sakaling may makapasok galing Sabah ay kailangan na ipaalam ito sa kanilang mga kapitan upang agad na ma-quarantine at hindi magdulot ng peligro sa mga residente, dahil kung sakaling magkaroon ng local transmission ay posibleng ma-lockdown ang kanilang barangay.

“Maging sa ating mga kababayan diyan sa Brooke’s Point at Bataraza, lalo na sa ating mga entry points, ‘yong mga pinapasukan at dinadaungan ng bangka galing sa ibang lugar [ay] pinapayuhan po natin ang ibayong pagbabantay dahil kapag mayroong nangyaring kaso ng local transmission sa inyong barangay, ang magiging aksyon po ng inyong Chief Executive ay talagang i-lockdown ang inyong barangay,” dagdag ni Alili.

Hiniling din ng PDRRMO sa mga residente na iwasan muna ang pagpapauwi ng ating mga kababayan sa karatig bansa partikular na ‘yong galing sa Sabah. Kung may makalusot man ay agad ipagbigay-alam sa kanilang mga barangay officials upang madala sa quarantine facilities at hindi sa kanilang mga bahay.