Personal na idinulog ng ilang mga kamay-ari kay Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso G. Cusi ang reklamo dahil sa hindi pagsasagawa ng District Election sa ilang mga overstaying umano na Board of Directors (BOD) ng Palawan Electric Cooperative (PALECO).
Ayon kay Grace Estefano, personal niya umanong nakausap ang kalihim noong April 6, 2022, kung saan bumisita si Cusi sa Palawan upang dumalo sa pagbibigay ng libreng pabahay para sa mga Indigenous People (IP’s) sa Brgy. Irawan sa lungsod.
“Kasama lang yun sa pinag-usapan…nagkaroon po tayo ng pagkakataon na makausap si Sec. Cusi tungkol dito sa ating petition…binigyan na po natin ng kopya si Sec. Cusi ng Department of Energy, ang NEA Administrator ang CDA at yung Presidential Management Staff,” Ani ni Estafano
Hindi naman dinitalye ni Estefano kung ano ang napag-usapan nila ng kalihim bagkus a-antayin na lamang niya umano kung ano ang magiging tugon dito ni Cusi sa pamamagitan ng isang liham.
“A-antayin ko nalang po yung kanyang reply doon sa sulat…mahirap kasing magbigay ng pa-unang pahayag tapos mayroon siyang ir-reply na letter na formally doon nalang po sa sulat,”
Dagdag pa ni Estefano, habang tumatagal umano ay parami ng parami ang sumusuporta sa kanilang reklamo maging ang Sangguniang Panlalawigan ay nagpasa na ng isang resolution upang hikayatin ang pamunuan ng PALECO na magsagawa na ng eleksyon ng mga Board of Directors sa lahat ng distrito.
“As the days go by…marami na po ang sumusuporta sa petition dahil na-una na naglabas ng resolution ang Puerto Princesa City Council at ngayon po inihatid sa akin yung isang sulat na nagsasabi na nakapasa narin ng resolution ang Sangguniang Panlalawigan,” dagdag nito.
“Ang Palawan Consumers Watch Group ay atin narin pong kasama ay nandiyan po sila para suportahan po tayo lalong-lalo na po nakita na nila yung mayroon tayong basehan para sa petition na ito,”
Samantala, lagi umano idinidiin ni Estefano kay National Electrification Administration Deputy Director Atty. Omar M. Mayo sa serye ng palitan ng kanilang liham hindi umano sinasagot ng direkta ang nakasaad sa petition letter na kanilang ibinigay at malinaw din umano na may paglabag ito sa memorandum ng NEA.
“Sa ating pag-reply po kay Atty. Mayo…binigyan diin po natin ng diin doon na wala pang inilalabas na schedule ng district election ng PALECO para po doon sa mga overstaying na BOD…so kung hanggang ngayon ay wala silang nilalabas na resolution para dito ito po ay hayagan narin na pagsuway sa NEA Memorandum 2022-005.”
Sa ibinahagi naman ni Board Member Ryan Maminta meron na umanong resolution para sa pagpapatawag ng election ng Board of Dirrectos ng PALECO.
“May resolution na kami calling for election ng BOD,” sa text message na pinadala ni BM Maminta sa news team.