Inilatag ni Marian Carlos, information officer ng PhilHealth -Palawan sa 'Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)' ang mga natanggap na pagkilala at parangal ng kanilang Local Health Insurance Office dahil sa magandang serbisyo sa mga mamamayan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Provincial News

PhilHealth-Palawan, hakot-award

By Leila Dagot

January 21, 2019

Tunay ngang kapag nasa puso ang serbisyo at pagpapatupad ng mga polisiya, siksik at liglig din ang pagkilalang aanihin mo. Ganito ang natamasa ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Local Health Insurance Office (LHIO) nito sa lalawigan ng Palawan. Tatlong bigating pagkilala kasi ang natanggap nito kamakailan sa isang pagkakataon lamang.

Hall of Fame ng Red Orchid Award

Sa pagtatapos ng taong 2018, sa ikatlong magkakasunod na pagkakataon (taon), ginawaran ng ‘Red Orchid Award (ROA)’ ang ahensiya sa lalawigan na siyang nagdala sa kanila sa pagiging ‘Hall of Famer’.

Ito ay resulta ng kanilang pagsisikap na 100 porsiyentong mapuksa o maalis ang paggamit ng tabako (paninigarilyo) at pagkakalantad dito sa loob ng nasasakupang lugar ng kanilang opisina.

“Mahigpit po kasi naming ino-observe sa opisina ang pagbabawal sa paninigarilyo, lalo na sa mga empleyado, maging sa mga kliyente, hindi dapat makitaan ng kahit upos ng sigarilyo sa loob ng 100 metro mula sa opisina, “ani Marian Carlos, information officer ng PhilHealth-Palawan sa isinagawang ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’.

“Nakatanggap po kami ng Red Orchid Award sa tatlong magkakasunod na taon, kaya mayroon na po kaming Hall of Fame award,” dagdag pa ni Carlos.

 Ang ROA ay batay sa Department of Health(DOH) Administrative Order No. 2009-0010, o mga tuntunin at regulasyon na nagpo-promote ng 100% Smoke Free Environment na nagsimula noong 2009, kung saan tinawag itong “absolute smoking ban” sa mga opisina ng DOH, mga ospital, at mga katuwang na ahensiya, opisina ng gobyerno. Maging ang mga lokal na pamahalaan ay kasama ring hinihikayat na magpatupad nito sa kanilang mga pangkalusugang pasilidad at mga pampublikong lugar.

Sa ikatlong magkakasunod na pagkakataon, ginawaran ng Department of Health (DOH) Mimaropa ang Local Health Insurance Office ng PhilHealth – Palawan ng Red Orchid Award at naging “Hall of Famer”. (Larawan mula sa PhilHealth-Palawan)

Best Practice

Isa sa kahanga-hangang gawa ng PhilHealth-Palawan ang pagbibigay ng oportunidad sa mga tricycle drivers at operators sa lungsod ng Puerto Princesa na makapag-ipon ng pambayad ng kanilang kontribusyon nang maalwan sa kinikita ng mga ito sa araw-araw na pamamasada.

Ito ay ang ‘P6.60 Na Hulog Para sa Kalusugan ng Pamilya’ program, kung saan hinihikayat ng pamunuan ng PhilHealth-Palawan ang mga namamasada ng tricycle na mag-impok ng P6.60 kada  araw, saloob ng tatlong buwan (isang quarter) upang makalikom ng P600 na siyang magiging kontribusyon ng mga ito.

“Isa po sa na-develop na programa ng aming pamunuan ‘yon pong 6.60 program, ‘yon pong mga tricycle drivers, na risky ang trabaho dahil sa araw-araw na pamamasada, sa kalsada ang hanap-buhay tapos wala pong nakukuhang sponsorship para sa kanilang kontribusyon, ini-encourage namin na daily ang pagsi-save para hindi po mabigat para sa kanila,” paliwanag ng tagapagsalita ng PhilHealth.

Dahil sa makabuluhang inisyatibong ito, tumanggap ng ‘Government Best Practice Recognition’ ang PhilHealth-Palawan na iginawad ng Development Academy of the Philippines (DAP).

Kinilala ng Development Academy of the Philippines (DAP) ang Local Health Insurance Office ng PhilHealth sa Palawan dahil sa natatanging programa nito na ‘P6.60 Na Hulog Para sa Kalusugan ng Pamilya’. (Larawan mula sa PhilHealth-Palawan)

Mayroong tatlong pilot associations ang ahensiya sa lungsod ng Puerto Princesa. Ang mga ito ay ang Airport Tricycle Operators and Drivers Association (AIRTODA), Wescom Tricycle Operators and Drivers Association (WESTODA), at Honda Bay Boat Owners Association, Inc. (HOBBAI), kung saan, umaabot sa 300 na mga miyembro nito ay aktibong naghuhulog ng kanilang kontribusyon sa PhilHealth sa pamamagitan ng kanilang kooperatiba.

Presidential Lingkod Bayan Award

Nagbunga ng marami pang pagkilala ang ‘best practice’ (P6.60 na Hulog Para sa Kalusugan ng Pamilya) na ito ng LHIO ng PhilHealth sa Palawan matapos na kilalanin din ng Civil Service Commission (CSC), kung saan ginawaran ang opisina ng regional category ng “Presidential Lingkod Bayan Award”.

“Ang programa po na ito ay nabuo sa inisyatibo ng aming chief social insurance officer (Wilfred Hernandez) at naging maayos ang pagtangkilik ng mga miyembro ng TODA sa serbisyo, kaya epektibo po ito para sa target nating masakop ng programa ang ating mga tricycle drivers,” ani Carlos.

Dahil sa matagumpay na implementasyon ng programa, pinagtibay ng PhilHealth ang pagpapatupad nito sa buong bansa at inaasahang magiging sakop nito ang lahat ng TODA sa Pilipinas sa hangaring makamit ang pambansang saklaw ng kalusugan. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)