Inihimlay si 2Lt. Mark Anthony Lagrada Caabay sa kanyang huling hantungan sa Brgy. San Jose, Roxas, Palawan.

Provincial News

Pilotong Palaweño na namatay sa bumagsak na helicopter sa Bukidnon, naihatid na sa huling hantungan

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 26, 2021

Naihatid na sa huling hantungan nitong January 25, 2021 ang mga labi ng yumaong pilotong Palaweño na isa sa mga sakay ng bumagsak na helicopter sa Bukidnon noong Janury 16.

Inihimlay si 2Lt. Mark Anthony Lagrada Caabay sa kanyang huling hantungan sa Brgy. San Jose, Roxas, Palawan.

Sa pamamagitan naman ng social media ay ipinaabot ng lokal na pamahalaan ng munisipyo ng Roxas ang kanilang pagsaludo at pasasalamat kay 2Lt. Caabay na isang inspirasyon sa mga kabataan at ng sambayanan.

“Ang lokal na pamahalaan ng Roxas ay taus-pusong nagpapasalamat at nagbibigay-pugay sa kanyang kadakilaan, katapatan sa tungkulin, at pagmamahal sa bayan,” ang bahagi pa ng post ng LGU.

Dalawang araw naman bago ang kanyang libing, ginawaran si 2Lt. Caabay ng parangal ng Pangulo, na kinatawan ni Tactical Operations Wing West (TOW-WEST) Wing Commander, Col. Gerry Felizardo Soliven, sa pamamagitan ng isinagawang simpleng seremonya na dinaluhan din ng ilang kawani ng Presidential Management Staff RFU-4B.

Bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang Commander in Chief ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, inabot sa kabiyak ni 2Lt. Caabay na si Krischelle U. Caabay ang Order of Lapu-Lapu, Kalasag Medal Award sa kanilang tahanan sa nasabing munisipyo.